Pacman, Jinkee kontra sa desisyon ni Jimuel na pasukin ang boksing

JINKEE , MANNY AT JIMUEL PACQUIAO

SA unang pagkakataon ay kumuha ang clothing company na BNY ng endorser na hindi artista sa katauhan ni Emmanuel Pacquiao, Jr..

Mas kilala siya bilang si Jimuel Pacquiao na gustong sundan ang yapak ng amang si Sen. Manny “Pacman” Pacquiao bilang boksingero.

Sa kuwento ng isa sa may-ari ng BNY na si Mike Atienza ay gusto rin nilang magkaroon ng endorser na nakilala sa larangan ng sports at wala silang naisip kundi ang anak ng Pambansang Kamao.

“At least maiba naman saka through Heaven (Peralejo) kaya naging madali ang usapan namin. Sabi naman ni Jimuel na willing siyang maging endorser kasi first time niya at kami naman first time rin namin outside sa showbiz,” sabi ni Mr. Mike.

Dalawang taon ang kontrata ni Jimuel sa nasabing clothing brand bilang endorser na pinirmahan nila ng mama niyang si Jinkee Pacquiao na tumatayo rin bilang manager ng binata.

Siyempre bilang Pacquiao ang apelyido ni Jimuel ay inalam namin kung mahal ba ang talent fee niya at napangiti muna si Mr. Mike sabay sabing, “Hindi naman po, confidential po ‘yun.”

Pero sitsit sa amin ng isang source, “Hindi po, very affordable at hindi siya above all sa ibang endorsers namin.”

More on sports outfit ang ipasusuot kay Jimuel tulad ng jogger, jacket at sport shirts. Nagulat nga kami kasi ang ganda ng jacket na suot ni Jimuel, hindi pahuhuli sa imported.

Samantala, masayang ikinuwento ni Jimuel na excited siya sa pagiging brand endorser dahil first time nga niya ito at ang pinakagusto raw niya bilang ambassador ng isang produkto ay, “I will travel a lot for the promos.”

Makakasama kasi ni Jimuel ang girlfriend niyang si Heaven sa mga biyahe nila and at the same time ay magiging bonding moments na rin nila ito ng aktres.

Tinanong namin kung ilang buwan ng magkarelasyon sina Jimuel at Heaven, tugon sa amin ng binata, “Six months na po, pero bago naging kami matagal na kaming magkaibigan, matagal na kaming nag-uusap, kilala na namin ang both sides of the family.”

Maganda ang kuwento nina Jimuel at Heaven dahil hindi nila hinanap ang isa’t isa. Nang mawalan sila ng komunikasyon ay bigla na lang silang nagkita uli sa parehong araw, parehong oras at buwan nu’ng unang magkrus ang landas nila kaya ang biro namin mala- “serendipity” pala ang love story nila.

“Actually, maraming challenges po na pinagdaanan kasi first time ko rin pong manligaw talaga, super formal po talaga like kinausap ko ‘yung mommy niya, daddy niya, mga grandparents sa both sides, the whole family po, first girlfriend kop o,” pag-amin ni Jimuel.

Dagdag pa niya, “Well kasi first friends kami, we know each other well na po at she’s so nice, pareho kami ng characteristics, swak po lahat.”

Inamin naman ni Jimuel na tulad ng mother niyang si Jinkee ay kabadung-kabado rin si Heaven kapag may laban siya dahil nga dangerous ang boxing.

As of now ay puro training ang ginagawa ni Jimuel para sa susunod na laban niya at payo ng boksingerong ama, seryosohin ang training dahil hindi nga biro ang pagbo-boksing.

Inamin din ng batang Pacquiao na ayaw na ayaw siyang payagan ng magulang niya sa gusto niyang tahaking career pero wala raw magawa dahil kinukulit niya at pinagsabihan na lang na laging mag-iingat.

Katatapos lang pala ni Jimuel ng high school sa Brent International School at incoming freshman naman siya sa kursong Business Administration sa De La Salle University sa edad na 18.

Read more...