June Mar Fajardo: Athlete of the Month

Ang 5-time PBA Most Valuable Player (MVP) na si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer ang napili ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) bilang Athlete of the Month para sa buwan ng Mayo.

Gumawa ng kasaysayan ang tinaguriang “The Kraken” na si Fajardo nang manalo siya ng kanyang ika-anim na diretsong PBA “Best Player of the Conference” award noong Mayo 6.

Pinangunahan din niya ang Beermen sa ikalima nitong sunod na Philippine Cup crown matapos biguin ang Magnolia sa Game 7 ng Finals noong Mayo 15.

Sa Game 7 din na iyon ay nagtala ang 6-11 superstar mula Compostela, Cebu ng 31 rebounds para magtala ng bagong single-game record para sa isang local player.

Ang dating record ay hawak ni Jinkee Simbulan ng 7-Up na kumuha ng 29 rebounds noong 1975.

Napili rin si Fajardo bilang Finals MVP matapos na mag-average ng 22.9 points, 19.1 rebounds at 1.9 blocks sa Finals.

Tinalo ni Fajardo para sa buwanang parangal sina International Boxing Federation (IBF) super-flyweight champion Jerwin Ancajas, javelin queen Erlinda Lavandia at golfer Luigi Paolo Wong ng La Trinidad, Benguet.

Ang mga naunang pinarangalan ng TOPS ay sina boxing legend Manny Pacquiao (January), seimming superstar Micaela Jasmine Mojdeh (February), Fil-Am pole vault pride Natalie Uy (March) at pole vault hero Emerson Obiena (April).

Read more...