Osang dalawang teleserye ang ginagawa sa ABS-CBN: Ang tagal ko naman kasing namahinga!

ROSANNA ROCES

Muling pinasaya ni Gab Revilla ang kanyang lola na si Rosanna Roces nang dalawin niya ito kamakailan kasabay nang pagdalaw din niya sa nanay niyang si Michelle Grace Adriano.

Si Gab ang panganay na apo ni Rosanna sa anak nitong si Grace na ang ama ay si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla.

Nag-post si Osang ng litrato nilang dalawa ni Gab na may caption na, “May dumalaw na anghel (unang apo) dyusko parang higante.”

Edad 14 palang si Gab pero ng 5’9 na ang height kaya naman isa na rin itong basketball player.

“Kapag may basketball (laro), hindi ko na iniistorbo, grabe kahilig maglaro kaya tatangkad pa ‘to. Player siya sa Cavite kaya nga nagmamadaling umalis din kasi may laro raw siya,” kuwento ni Osang nang makausap namin kahapon.

Mahilig ding magluto si Gab, ayon kay Osang pero hindi sila naglutu-lutuan nitong huling dalaw dahil nagmamadali at nag-request na lang kumain ng chicken.

Mabait na bata raw si Gab at natutuwa sina Osang at Grace dahil maganda ang pagpapalaki ng tatay nitong si Jolo.

“Malambing na bata ‘yan si Gab, isipin mo kalaking tao, biglang tatalon sa kama kapag nakahiga ako at yayakapin nang mahigpit,” masayang kuwento pa ng isa sa cast ng seryeng Los Bastardos.

Samantala, masayang ibinalita rin ni Hazel (tawag namin kay Osang) na dalawa na ang teleserye niya at ipinaalam daw niya kay business unit head Direk Ruel S. Bayani na may hawak ng Los Bastardos kung puwede niyang tanggapin ang Project Kapalaran na under din sa RSB unit.

“Ang saya-saya ko, kasi dalawa na serye ko, isang MWF at TTH,” masayang sabi ni Osang.

Tinanong namin kung kaya pa niya ang araw-araw na taping, “Oo kaya ko, susme Reggee ang tagal kong namahinga ‘no! Kaya ko ‘yan, sobrang thankful nga ako, eh.”

Read more...