PALALA ng palala ang sitwasyon ng trapik sa Metro Manila at iba pang high density cities ng bansa pero parang wala tayong magawa para maayos ito.
At sa tuwing paguusapan ang trapik, laging MMDA o pulis o traffic enforcer ang itinuturong may kasalanan.
Kailan ba natin maiisip na hindi lang sila ang may responsibilidad sa pagayos ng trapiko sa bansa.
Lahat tayo ay kasama dito.
Isa isahin natin:
Ang motorista, kailan nila maiisip na ang pagsunod sa batas trapiko at hindi ang pagsingit at panggugulo sa daloy ang magaayos nito. Na ang pagparada ng kotse sa kalye ay isa sa pinakamalaking sanhi ng trapik sa lugar nila.
Ang public utility drivers, kailan nila maiisip na hindi sila nakakalamang pag kaskasero sila, bagkus ay inilalagay lang nila ang buhay nila ay ng pasahero nila sa balad ng alanganin.
Ang mga local government units, lalo na sa Metro Manila, kailan nila maiisip na hindi yabangan ang pagayos ng trapik at kailangan ng isang comprehensive road and traffic plan sa mga malalaking metropolis na sumasakop sa madaming magkakatabing siyudad.
Sa mga government agencies tulad ng DPWH, DOTr, DENR at iba pa, kailan nila maalala na kabilang sa trabaho nila ang long term planning at maayos na engineering para hindi nagiging perwisyo ang trapik pag dumadami ang tao.
Siyempre, ang mga traffic enforcers na dapat ay traffic managers talaga, kailan nila maiisip na hindi lang tumayo, kumaway, o manghuli ng coding violators ang trabaho nila. Na dapat ay sinusuri ay inaayos din nila ang sanhi ng trapiko.
Hindi din trabaho ang magpost ng FB Live araw-araw.
At siyempre ang mga politiko, na walang ginawa kundi bantayan ang interes nila imbes na ayusin ang batas sa pagkuha ng lisensiya, maayos na vehicle registration, tamang parusa sa mga nilalabag na batas at paglatag ng tinatawag na “national highway plan” na maglalagay ng mas maayos na mga Highway sa bansa, imbes na sinusundan natin ang mga “carabao trails” o ibinibigay natin sa mga concessionaires ng toll roads ang paggawa ng highways.
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.