MAWALIS ang walong ginto na nakataya sa skateboarding ang hangad ng Pilipinas sa darating na 30th Southeast Asian Games.
Ang mga isasagawang sa skateboarding event ay street, park, game of skate at downhill sa men’s at women’s division.
Ayon kay Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines, Inc. (SRSAPI) president Monty Mendigoria malaki ang posibilidad na masungkit ng Pilipinas ang mga ginto dahil sa paglahok ng mga Filipino-foreign player.
Ang mga kasalukuyang miyembro ng national team ay sina 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal, Renzo Mark Feliciano, Jeff Gonzales at US-based Christiana Means at Jericho “Kiko” Francisco Jr.
Si Means ay taga Portland, Oregon samantalang si Francisco ay nakatira sa Carson, California.
May isa pang Fil-Am at Fil-German na balak kunin si Mendigoria para lalong palakasin ang kanilang lineup.
“We’re eyeing a sweep of all eight golds at stake in the SEA Games. With a team reinforced by top-level Fil-foreigners, I think we can achieve our goal,” sabi ni Mendigoria sa Usapang Sports forum na inorganisa ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Kasalukuyang ginagawa sa Tagaytay ang skateboarding venue na gagamitin para sa SEA Games at ito ay katabi ng cycling BMX venue.
“We were assured that the venue will be finished by September,” sabi pa ni Mendigoria.
Idinagdag pa ni Mendigoria na magkakaroon ng National Championship para magsilbing final qualifying tournament sa mga sasabak sa SEA Games.
“We’re done with the Luzon, Visayas and Mindanao qualifying. The top 3 in street and game of skate and top 10 in downhill from the qualifying tournaments will compete in the Nationals. After this tournament, we will announce the lineup for the SEAG,” dagdag pa ni Mendigoria.