NAGING guest namin ang pulitiko-stand up comedian na si Bokal Teri Onor sa “Cristy Ferminute” nu’ng Lunes nang hapon, kasama dapat niya ang magaling na singer-stand up comedian na si Anton Diva pero minamalat ito.
Si Teri Onor ang producer ng unang malaking concert ni Anton Diva sa June 15 sa Cuneta Astrodome, ang “Shine XXII AD,” na matataon din sa kaarawan ng magaling na singer na dikit na dikit ang boses kay Regine Velasquez.
May kuwento si Bokal Teri tungkol sa unang pagkikilala nila ni Anton Diva sa sikat na comedy bar na The Library.
Nag-aaral pa lang nu’n si Anton Diva.
Kuwento ni Bokal Teri, “Marami akong trabaho nu’n sa The Library, pinagkatiwalaan ako ni Mamu Andrew de Real, minsang nasa gate ako, minsan namang ako ang nasa kaha, pero performer din ako siyempre.
“Si Anton, nagpupunta siya sa The Library, marami silang magkakaklase, nag-aaral pa siya nu’n sa St. Benilde. Sasabihin niya, ‘Papasok ako, pero huwag n’yo na akong pagbayarin ng entrance, kakanta na lang ako.’
“Aba, kapag kumakanta na siya nang a la Regine, ang dami-daming nagbibigay ng datung sa kanya! Siguro, umuuwi siyang may ten thousand siyang naiipon sa kabibigay ng mga customers!
“Ganu’n siya kagaling kahit hindi pa siya sumasalang talaga sa stage. Payat na payat, maigsi ang hair, palaging naka-cap, ‘yun si Anton Diva nu’n!” masayang kuwento ni Bokal Teri.
Dalawang dekada na si Anton Diva sa pagiging stand-up comedian, kilalang-kilala na ito bilang kaplakadong singer ng Asia’s Songbird, pero wala pang nagiging malakihang concert.
“‘Yun ang reason kung bakit merong Shine XXII AD, para kay Anton Diva ito, kailangang magkaroon na siya ng concert na mas magpapakita pa ng husay niya sa linya niya.
“Darating siyempre si Regine, si Vice Ganda, marami pa siyang ibang guests, kaya panalung-panalo ang mga manonood ng concert na ito,” pahayag ng concert producer na si Bokal Teri Onor.