NAGBIGAY ng pahayag si Phillip Salvador tungkol sa pagpunta niya at ng iba pang artista sa Japan kasama si Presidente Rodrigo Duterte na kinukuwestiyon ngayon ng publiko.
“Kami nagpunta roon, voluntarily,” bungad ni Phillip. “Pagdating sa OFWs we support this administration kasi ginagawa naman talaga ‘yung tulong para sa mga OFW.
“Tingnan mo ang ginawa ni Presidente doon, pwedeng mag-loan ang mga OFW dito sa Pilipinas sa pinakamababang interes. First time lang mangyayari ‘yan,” lahad ni Kuya Ipe.
Mismong ang pangulo raw ang nag-imbita sa kanila na sumama sa kanya sa Japan, “E, kami nila Robin (Padilla) ano ba naman ‘yung papuntahin kami doon? Tinanong kami kung gusto naming sumama? Suporta lang sa mga OFWs?’ ‘When is this?’ O, so, okey. E, ‘di umoo kami. Si Bayani (Agbayani), si Michael (Pangilinan),” kwento niya.
Bukod kina Robin at Bayani, kasama rin sa Japan trip ni Presidente sina Dianne Medina, Rodjun Cruz at Martin Escudero. Sila-sila naman daw talaga ang sumuporta nu’ng campaign ng mga kandidato ng pangulo for senator last election.
Hindi naman napigilan ni Kuya Ipe ang mapamura sa mga kalaban ng administrasyon.
“Now, sabihin mo na binayaran kami doon? Ni isang kusing wala kaming bayad. Eto’ng mga pu *** in**ng naninira,” madiin niyang sabi.
“Masakit sa akin, e. Pinalalabas nila kami ng kung anu-ano. Kung doon sila sa kabila, doon sila sa kabila. Tumahimik na sila dahil talo na sila. Ganoon lang ‘yun. That’s my statement,” aniya pa.
Muli niyang nilinaw na hindi treat sa kanila ni President Digong ang pagpunta nila sa Japan.
“Ay, hindi, hindi, hindi,” mabilis niyang tugon. “Nag-dinner kami sa Malacañang. Binigyan kami ng dinner doon. Ano ang masama doon? Sabihin ninyo sa akin ano’ng masama doon? This is the first time na inimbita ang mga artista sa Malacañang para maka-dinner, makapanayam, makausap ang Pangulo.
“Kasi, walang pinipili si Presidente. Walang pinipiling tao kahit sino ka pa. Sincere siya,” sabi pa ng aktor.
Wala rin daw kinalaman si Kuya Ipe sa pagpili ng mga artistang inimbita sa Malacañang dinner. Hindi rin daw niya alam kung si President Duterte or ang misis niyang si Honeylet ang namili ng mga iimbitahing artista.
“Basta ako imbitado doon. And, walang masama doon. Siyempre, nilalagyan nila ng kulay. E, during that time, campaign period ‘yun, e. So, ngayon, ibinigay ko ang statement ko. Huwag naman bastusin ang mga artista.
“Ang mga artista disenteng nagtatrabaho. Kaya kong bumili ng sarili kong tiket. Kaya kong kumuha ng sarili kong kwarto, ganoon lang ‘yun. Kaming lahat ng mga artista lalo na si Robin Padilla,” sabi pa ni Kuya Ipe.
Samantala, tinanong din namin kung kailan siya ulit gagawa ng pelikula.
“Hindi pa, magpapapayat muna tayo ng konti. Medyo malusog tayo, e. Tumaba ako sa kakakain ng sushi,” sabay tawa niya.
Pero darating din daw ang panahon na muli siyang aarte sa pelikula. And if ever, baka gumawa sila ng movie ni Robin.
Happy din si Kuya Ipe sa pagiging number three ng inendorso niya last election na si Senator-elect Bong Go.
“God is really good. It really paid-off. Nagsipag kami. Ikot kami ng Pilipinas. At talagang kapag nagsipag ka, nakikita ng Diyos, ibibigay naman sa ‘yo kung tama rin ang hangarin mo,” aniya.
Tumanggi naman na magbigay ng pahayag si Kuya Ipe sa pagkakaroon ng isyu sa kanila ni Kris Aquino during the campaign, “Huwag na nating pag-usapan ‘yun. Tapos na ‘yun,” ngiti niya.
At hindi na rin daw sila nagkapaliwanagan ni Kris sa namuong isyu sa kanila during the campaign.
Nakausap namin si Phillip sa ginanap na 35th PMPC Star Awards for Movies last Sunday. Isa siya sa mga tumanggap ng parangal para sa Natatanging Bituin ng Siglo ng PMPC (Philippine Movie Press Club).
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa Sunday’s Best ng ABS-CBN on June 16.