NAARESTO ang apat na hinihinalang big-time pusher at P6.8 milyon halaga ng shabu ang nasamsam sa buy-bust operation sa isang hotel sa Maynila, Lunes ng hapon.
Nadakip sina Talicop Saipoding Pumbaya, Mahdi Sodeit Salic, Maromaya Johary Mamocarao, at Sultan Saipoden Alnao, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Isinagawa ng mga tauhan ng PDEA mula Calabarzon, Bangsamoro autonomous region, at National Capital Region ang operasyon sa hotel sa Brgy. 669, District 5, dakong alas-5:30.
Dinampot ang mga suspek nang tanggapin nila ang buy-bust money kapalit ng aabot sa 1 kilo ng shabu, na nasa loob ng di-selyadong plastic bag at pakete ng Guanyinwang Tea, ayon sa PDEA.
Hinahandaan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law ang mga suspek, na dinitine sa pasilidad ng PDEA Calabarzon sa Calamba City, Laguna.