Alden sinuswerte pa rin sa career kahit walang AlDub

ALDEN RICHARDS

SA pagmalagihay ng kanilang tambalan ni Maine Mendoza ay matinding suwerte ang dumating kay Alden Richards, ang makatambal sa pelikula ang isa sa mga itinuturing na pader sa takilya ng ABS-CBN, si Kathryn Bernardo.

Sa mga unang eksenang napanood ng mga namamahala sa kanilang pelikulang ginawa pa nila sa Hong Kong ay palakpakan agad ang ibinigay sa kanila.

Wala nang kuwestiyon sa pagganap ni Kathryn, nu’ng isang gabi lang ay tinanggap nito ang Best Actress award mula sa PMPC Star Awards para sa pelikula nilang “The Hows Of Us” ni Daniel Padilla, pero hindi nagpahuli sa pag-arte ang Pambansang Bae.

Maraming nagalingan Kay Alden, ginalingan niya talaga ang pag-arte, iyak nang iyak ang aktor na nang-imbita rin ng pagluha sa mga nanonood.

Kunsabagay, kahit sa totoong buhay naman ay mababaw talaga ang luha ng binatang aktor, pumasok lang sa kanyang isip ang namayapa niyang ina ay pagluha na ang kasunod nu’n.

Hindi nakapagtatakang magaling ang kanyang acting sa “Hello, Love, Goodbye” nila ni Kathryn, hasa na rin sa madadramang eksena si Alden, puwedeng-puwede na talaga siyang makipagsabayan.

May mga nagsasabi nu’ng tumamlay ang tambalan nina Alden at Maine na wala na raw mangyayari sa kanyang career, si Maine lang daw kasi ang tumitimon sa kanilang loveteam, pero pinatunayan ni Alden na nagkamali ang mga nanghusga sa kanyang karera.

Si Kathryn Bernardo pa ang katambal niya ngayon, napakagandang oportunidad nu’n para sa Pambansang Bae, harinawang suportahan ng ating mga kababayan ang pinaghirapan nilang proyekto.

Read more...