KAILANGANG maging mulat ang isang young actress tungkol sa mga kuwentong umiikot sa kanilang network tungkol sa kanyang pansin na pansin nang kamalditahan.
Dati’y marami pang natutuwa sa young female personaity dahil ‘yun ang kanyang linya, pero nang magtagal-tagal na, ang pagkaaliw sa kanya ay nauwi na sa pagkainis.
Kuwento ng aming source, “Nakakaaliw naman kasi talaga siya nu’ng una. Natural ang galaw niya, nakakatuwa ang mga atake niya. Saka galing siya sa wala, kaya maraming natutuwa na gumiginhawa na ang family nila ngayon nang dahil sa kanya,” simulang chika ng aming impormante.
Nagkaroon siya ng magandang oportunidad, binigyan siya ng magagandang proyekto ng kanyang istasyon, itinambal sa kanya ang isang guwapong bagets na sinasabing karelasyon na niya nu’n pa.
“Pero hindi niya kinakayang i-handle ang attention na natatanggap niya, ‘yung popularity na hawak niya ngayon, maagang pumasok sa ulo niya. Feeling ng girl, e, sikat na sikat na siguro siya.
“E, hindi pa naman siya kagandahan, binago na lang ng pag-aartista niya ang kanyang itsura, kaya maraming naiinis sa kanya. Iba na kasi ang tabas ng dila niya!
“Matalim na siyang magsalita, madalas pa siyang nagpapaimportante, marami siyang reklamo samantalang dati, ang sabi niya, e, napakasaya niya dahil natutulungan na niya ang family niya.
“Maldita na nga si girl, ang pakiramdam siguro niya, e, super-sikat na siya dahil sa attention na ibinibigay sa kanya ngayon. Marami nang nakakapansin sa kaangasan niya, pasima-simangot na rin siya palagi kapag may hindi siya nakukuha at nagugustuhan!
“Naku, ha? Kakarampot pa lang ang meron siya ngayon, masuwerte lang siya dahil naaalagaan siya ng network nila, pero wala pa siyang maipagmamalaki!
“Gusto ba niyang pabalikin siya uli ng mga miron na naiinis sa kanya sa bahay na pinanggalingan niya?
“Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, madaling hulaan kung sino ang nagmamaldita nang young personality na ito, ulit-ulitin n’yo lang ang name niya at siya na ‘yun!” nakairap na pagtatapos ng aming source.