Matakot, tumili, mandiri sa ‘Banal’

AGREE kami sa sinabi ng magka-loveteam na sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix tungkol sa suspense-horror film nilang “Banal” na palabas na ngayon sa mga sinehan.

Nabigyan kami ng chance na mapanood ang pelikula sa ginanap na block screening nito sa SM Light Mall sa Mandaluyong the other night courtesy of BiGuel fans club. Talagang todo pa rin ang suportang ibinibigay nila sa Kapuso loveteam until now.

Dumating si Miguel sa sinehan para samahan ang kanyang mga supporters sa panonood ng “Banal” kaya naman bago magsimula ang movie ay umaatikabong selfie at groufie session muna ang naganap.

Game na game naman si Miguel na nakipagpiktyuran sa fans at nagpasalamat sa pa-block screening ng mga ito.

Magkaaminan na, hindi kami nag-expect nang bonggang-bongga sa “Banal” dahil ilang Pinoy horror movies na ang napanood namin nitong mga nakaraang taon na nakaka-disappoint lang.

Para sa amin, kailangang mahigitan o mapantayan man lang ng mga bagong horror movies ang “Feng Shui” ni Kris Aquino para masabi naming nakakatakot ito. Hanggang ngayon nga ay naaalala pa rin namin ang bagua sa pelikula, idagdag pa si Lotus Feet!

At in fairness naman sa “Banal”, tulad ng “Feng Shui”, matindi rin ang suspense ang hatid nito sa manonood. Hindi mo rin kasi alam ang mga susunod na mangyayari sa kuwento, lalo na nu’ng isa-isa na silang binabarang.

Tungkol ito sa grupo ng magkakaibigan na nagkayayaang umakyat sa isang misteryosong bundok kung saan pinaniniwalaang nagpapakita raw si Virgin Mary. Agad na pumayag si Erika (Bianca) dahil ayon sa BFF niyang si Yel (Taki) ang sinumang makarating sa tuktok ng bundok at humiling ng kahit ano ay matutupad agad.

May taning na ang buhay ng nanay ni Erika at gusto pa niya itong mabuhay kaya gagawin niya ang lahat para makasama pa ito nang matagal. Ngunit ang hindi niya alam, ang buhay niya at ng kanyang mga kaibigan ang malalagay sa panganib.

Siguradong maraming makaka-relate sa personalidad ng bawat miyembro ng grupo nina Bianca at Miguel lalo na sa karakter ni Andrea Brillantes bilang sosyal at maarteng estudyante na talaga namang kaiinisan mo pero maaawa ka rin sa nangyari sa kanya sa bandang ending.

Pasado rin ang Eat Bulaga Dabarkads at EB Bae na si Kim Last bilang astig at may pagkamayabang na tropa.

Nakakaloka rin ang ginawang pambabarang sa kanya.

Actually sa mga nangyari kina Kim at Andrea sa pelikula ako diring-diri, as in! Pero siyempre, ayaw naman naming maging spoiler kaya watch na lang kayo.

Ilang beses din kaming napasigaw sa mga panggulat na eksena sa “Banal” at sa bandang gitna hanggang ending nga ay parang mararamdaman mo na rin ang magkahalong takot at pagod tulad ng nararanasan ng barkada.

Actually, may touch ng mga classic international suspense-horror movies na “Final Destination”, “The Blairwitch Project” at “Scream” ang “Banal” dahil talagang huhulaan mo kung sino ang susunod na mamamatay at kung sino talaga ang killer. Kaya magugulat ka sa twist na magaganap sa ending.

Nagkakaisa naman ang cast members sa pagsasabing “not your typical jump scare” ang “Banal” at agree naman kami riyan.

Showing na ngayon ang “Banal” sa mga sinehan nationwide sa direksyon ni JA Tadeña mula sa APT Entertainment. Kaya kung gusto n’yo ng kakaibang barkada adventure horror movie bago magpasukan, watch na kayo ng “Banal”.

Read more...