TULUYAN na nga bang mabubuwag ang loveteam nina Maris Racal at Iñigo Pascual?
‘Yan ang tanong ng mga netizens matapos mapansin ng kanilang fans na hindi na sila masyadong nakikitang magkasama. Bukod dito, hindi na rin sila nagpo-post ng mga litrato together sa social media.
Sa panayam ng Cinema One, natanong si Maris tungkol dito, “Sadly ‘yun ang hinahanap nila na social media posting. Siguro hindi lang namin iniisip na kailangan talaga i-post ang isa’t isa.”
Dito rin inamin ng dalaga na never naging sila ni Iñigo. From the very start daw ay wala silang kinumpirma o idinenay ni Inigo pero aniya, espesyal ang binata sa kanya.
“Sinabi naman namin ni Inigo na never naging kami. Sinabi naman namin ‘yon in public na hindi naman kami. So ‘yun lang talaga.
“Ayaw lang namin maging like visible together as a loveteam kasi may tinatahak na gusto, na iba-iba kami ng gusto. Siya music, international, ako acting and then writing. So very iba.
“So ayaw lang namin na ‘yung mga tao sa paligid namin hindi mapaghiwalay ‘yung idea of us together kasi mahihirapan din kami. Like, how we will grow? So paano namin mao-open yung ibang tao na mayroon kaming ginagawang ganito,” paliwanag pa ni Maris sa nasabing interview.
Nakiusap din ang Kapamilya young actress na maging bukas sa posibleng mangyari sa loveteam nila ni Iñigo. Hindi naman daw kasi nila kontrolado ang desisyon ng management.
“Kung mawala sila because we are not together in the first place eh di ‘yung relationship lang ‘yung after nila sa amin, hindi ‘yung pagiging as artist talaga.
“Sana mag-change na ‘yung outlook na ‘yon kasi paano mage-evolve ‘yung culture, kasi ‘yung gusto niyo lang ay ‘yung love story,” aniya pa.
Dugtong pa ni Maris, “Sana ‘yung nagsu-support sa amin ay i-support niyo kung ano ‘yung ilalabas namin.”
Kung matatandaan, nagsimulang mahalin ng madlang pipol ang MarNigo loveteam sa Pinoy Big Brother: All In noong 2014. Ito ‘yung eksena kung saan bumisita si Piolo Pascual sa loob ng Bahay Ni Kuya at tinukso si Maris sa anak niyang si Inigo na noo’y nagsisimula pa lang din sa pag-aartista.