BUMAGSAK sa kamay ng batas ang suspek sa pagpatay sa babaeng Grab driver na ang bangkay ay natagpuan sa isang condominium unit sa Cainta Rizal noong Linggo.
Ayon kay Lt. Col. Alvin Consolacion, hepe ng Cainta Police, naaresto sa Pasig kamakalawa ng gabi si Paolo Largado, isang dating call center agent na itinuturong pumatay kay Maria Cristina Palanca.
Umamin sa pulisya si Largado na gumagamit siya droga. Nakuhanan ito ng isang sachet ng shabu nang maaresto.
Nadiskubre ang bangkay ni Palanca sa ilalim ng lababo sa loob ng condo unit na sinasabing pag-aari ni Largado.
Lumabas sa autopsy na pinatay sa sakal ang biktima.
Dinala ang suspek sa Cainta Police para sa kaukulang booking process.
Lumabas sa imbestigasyon na si Largado ang huling nagpa-book kay Palanca.
Nakuhanan pa ito sa CCTV na umalis sa condo at minaneho ang sasakyan ng biktima.
Natagpuan ang sasakyan ni Palanca, isang itim na Toyota Avanza, sa Lucena City, Quezon.