NAGPALABAS na ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board kaugnay sa operasyon ng UV Express.
Matapos ang ilang taon ay ipatutupad na (ulit) ang orihinal na plano sa UV Express—ang point-to-point na pagbiyahe.
Ang ibig sabihin ay diretsohan ang biyahe—iisa lugar lang ang sasakyan at bababaan ng mga pasahero—sa magkabilang terminal.
Ang tanong ngayon ay kung mayroon bang terminal ang mga UV Express? Dapat ay may terminal sila, ang tanong ay kung meron nga ba o sa papel lang meron?
Noon ay pinayagan ang mga UV Express na magbaba at magsakay ng pasahero dalawang kilometro ang
layo sa kanilang terminal.
Pero ang nangyari kung saan-saan sila nagbababa at nagsasakay hindi lang sa loob ng dalawang kilometro mula sa kanilang terminal.
Bumiyahe sila at nakipagkompitensya sa mga pampasaherong jeepney kaya dumaragdag sila sa trapik.
Ngayong naglabas na ang LTFRB ng circular na pinagbabawalan na ulit silang magbaba at magsakay kung saan-saan, balik na sa orihinal na plano sa kanila ng gobyerno.
Hindi na nakakagulat kung hindi alam ng mga driver na ganito ang prangkisa ng kanilang ipinapasadang
UV Express dahil ito na nga ang nakasanayan.
Magiging malaking hamon sa LTFRB na maipatupad ang circular na ito. At malamang may mga nag-iisip na sa umpisa lang yan mahigpit tapos balik na ulit sa nakagawian.
Hindi na papansinin ang kanilang paglabag.
Isang tanong ng mga pasahero ay kung nasaan ang terminal ng mga UV Express. Marami kasi sa mga UV gaya nung mga bumibiyahe sa San Mateo at Rodriguez (Montalban) ay nagka-cutting trip lang. Malinaw namang nakasulat sa kanilang sasakyan na ang biyahe nila ay hanggang Rodriguez pero ang kanilang karatula ay hanggang San Mateo lang sila (hindi naman lahat meron ding dumideretso ng Montalban).
Saan kaya pupunta ang mga pasahero? Dapay maging malinaw kung nasaan ang mga terminal.
Isa ring masakit na katotohanan ay baka hindi alam ng mga operator ang diskarte ng kanilang driver na sakay-baba ng pasahero. Ang prangkisa nila ang mapapahamak sa kagagawan ng kanilang driver.
Kapag kinansela ng LTFRB ang prangkisa kawawa ang operator.
Isa ring dapat na tutukan ng LTFRB ang mga kolorum. May mga nagsasabi kasi na ang mga cutting trip na UV ay ‘yung mga walang prangkisa o kolorum. Kaya raw hindi nakakadiretso sa terminal dahil iligal ang kanilang operasyon. Nadadamay ang mga lehitimong UV sa mga iligalista.
May terminal ba ang UV Express?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...