PATULOY ang pambibiktima ng maraming mga illegal recruiter na binansagan ng Bantay OCW bilang mga KKK. Sila ang mga kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, ka-barangay, kaklase, kumpare, kumare at maging mga ka-tong-its ng mga kababayan nating walang awang nanloloko sa kanilang mga biktima.Hindi lamang dito sa Pilipinas nangyayari ang mga lokohang ito, kundi maging sa ibayong dagat kung saan may mga OFW tayong naghahangad pang kumita ng mas malaking halaga sa pamamagitan ng panggagantso at pangloloko sa kanilang mga kaanak o kakilala’t mga kaibigan.
Hindi na nga paaawat pa ang ilan nating mga kababayang ito na sagad na sa buto ang kasakiman sa pera. Kahit maituturing na rin namang may malaki-laki na rin silang kinikita, may naipundar na mga ari-arian at kabuhayan, mukhang di paaawat ang mga ito sa panloloko, dahil walang pinapatawad kahit pa mga sariling ka-dugo.
Madali din kasing mapaniwala ang mga kababayan nating kamakapit na lamang sa patalim at animo’y suntok sa buwan sa pagbabakasakaling makakapag-abroad din sila, kikita kahit papano ng malaki-laking halaga at maabot ang mga matagal nang pinapangarap na magandang buhay at kinabukasan.
Tinatapatan naman ito ng mga KKK na nahuhumaling sa ilegal na mga gawain. Hangga’t hindi nahuhuli, hindi talaga sila hihinto. Kakaibang excitement ‘ika nga! Mas mabillis kumita ng pera at malaki pa!
Sinasabing palibhasa’y may nagpapaloko, kaya may mga manloloko. Pikit matang animo’y sunud-sunuran sa kagustuhan ng mga illegal recruiter ang mga kababayan nating ito, na sa una’y aminadong hindi na nga sila nag-iisip pa, kundi ipinababahala na lamang ang lahat sa kagustuhang makapangibang-bayan.
Umaasa kasi silang baka maging maayos naman ang kanilang situwasyon at maka-tsamba pagdating sa abroad. Iligal man na umalis ng bansa, maaaring makakuha naman sila ng magandang trabaho, mabuting amo, at saka na lamang gagawing legal, o isasaayos ang kanilang mga dokumento roon.
Ang tao nga naman.. kung makakagulang, kung makakaisa sa kapwa, hindi palalagpasin. Ang espiritung maka-AKO palagi ang siyang nangingibabaw. Ako muna!!!
Mangilan-ngilan na lamang ang tunay na nakauunawa ng mga salitang kahirapan at kakapusan. Ang alam nila, makapangloko at makapag-kamal ng salapi.
Bakit nga ba patuloy pa rin ang pambibiktima ng walang puso nating mga kababayan at ilang mga OFW pa mandin na naturingan? Ang labis na pag-ibig sa salapi ang ugat ng lahat ng ito.
Totoo, hindi naman madaling harapin ang bawat hamon at krisis sa buhay. Ngunit palaging alisto at maging mapanuri sa bawat kilos ng mga KKK, at patuloy na nagpapanggap na nagmamalasakit kuno sa inyo, at hangad lamang kayong matulungang makapag-abroad ngunit bibiktimahin lamang kayo sa bandang huli.
Humingi ng tulong sa Radyo Inquirer 990 AM si Carmelita Araracap, tiyahin ng OFW na si Maricel Payonga na nasa Riyadh, KSA. Gayong tapos na ang kanyang kontrata, mahigit isang taon pa itong nanatili sa kanyang employer. Gayong labis ang oras ng pagtatrabaho, walang sapat na pahinga at kulang pa sa pagkain, hindi na rin pinasasahod ng amo si Maricel sa loob ng anim (6) na buwan.
Agad namang nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) Riyadh, KSA.
Mabilis namang kumilos si Welfare Officer Romeo Pablo at napauwi rin si Maricel.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.