MAG uusap ngayong Lunes ang mga senador at congressman upang linisin ang Anti-Endo bill na pinasa ng Senado last week. Pangako ni Duterte na wawakasan na ang Endo o ang temporary short term jobs.
Ngayong araw, pagsasamahin ang Senate at House version ng 21-year old Anti-Endo bill. Kailangan matapos na ang naturang panukala that would once and for all allow millions of workers to become regular workers.
Ayon sa measure, hihimayin ng iba’t ibang industriya kung ano ang pwedeng Endo at ano ang regular, probationary, seasonal at project based na trabaho.
Kung maaprubahan, automatic na magiging regular na ang mga salesladies, sales clerks, waiters, receptionists, service crews at mga nasa production dahil necessary and desirable sila sa operation ng kumpanya.
Pag-uusapan pa kung kailangan gawing regular ang mga security guards, delivery men, janitor at window cleaners dahil hindi naman necessary and desirable ang trabaho nila.
Pero kasalukuyang hinaharang ng mga malalaking negosyante ang bill. Ayon sa kanila, marami raw magsasara at malulugi na mga kumpanya kapag sila ay naregular.
Hindi ito totoo. Mas makakatipid pa nga ang mga kumpanya dahil hindi na sila magbabayad ng agency fee bilang bayad sa mga manpower agencies sa pagbibigay sa kanila ng mga manggagawa.
Sa pagreregular ng mga Endo workers, kung ano ang kanilang binibigay na sahod at benepisyo sa agency ganun din ang ibibigay nila sa kanilang regular employees.
Kung regular ang mga employees, hindi na kailangan ng retraining ng mga employees. Magiging productive din ang kanilang regular employees dahil sila ay may security of tenure at hindi na mangagamba na mawalan at maghanap na muli ng trabaho.
Mas tataas ang productivity, gaganda ang serbisyo at maganda ang produkto ng mga regular workers kaysa sa mga endo workers dahil tatagal sila sa kanilang trabaho.
Sa aking pag-aaral ng panukala, ang anti-Endo bill ay pro-worker, pro-business at pro-Filipino.