8 patay, 14 sugatan sa Abu Sayyaf attack

WALO katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi at 14 pa ang nasugatan nang salakayin ng Abu Sayyaf ang mga tropa ng pamahalaan sa isang komunidad sa Patikul, Sulu, Sabado ng hapon, ayon sa militar.

Kabilang sa mga nasawi sina Saiful Abdun, 1, at Jahida Usab, 12, sabi ni Lt. Col. Gerald Monfort, tagapagsalita ng Armed Forces Joint Task Force-Sulu.

Napatay din ang anim na kasapi ng Abu Sayyaf nang makipagpalitan ng putok ang mga kawal. 

Sugatan naman ang limang kawal, dalawang sibilyaan, at pito sa mga sumalakay na bandido.

Aabot sa 30 kasapi ng Abu Sayyaf ang umatake sa Brgy. Igasan, alas-5:35, ani Monfort.

Nakikipagpulong noon ang isang platoon ng Army 6th Special Forces Battalion sa mga residente tungkol sa “developmental projects,” aniya.

Nasugatan ang platoon leader na si 2Lt. Christian Capiz at dalawang enlisted personnel sa unang buga ng putok, ngunit nagawang mahugot ang tatlong bata na naipit nang magkapalitan na ng punglo. 

“I could have easily withdrawn my troops to a safer position, but I cannot leave behind the trapped and panicking children. So I ordered my men to hold their position and prevent the advance of the Abu Sayyaf,” ani Capiz.

Tumagal nang 30 minuto ang bakbakan, bago umatras ang Abu Sayyaf.

Dinala ang mga sugatan sa Kuta Hen. Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, para malunasan.

Tinawag ni Brig. Gen. Peter Angelo Ramos, commander ng 1102nd Brigade, ang pag-atake ng Abu Sayyaf na di pagrespeto sa Islam, lalo na’t ito’y isinagawa sa kasagsagan ng Ramadan.

“They (Abu Sayyaf) were furious even at their own families whom they suspected of collaborating with our soldiers,” sabi naman ni Brig. Gen. Divino Rey Pabayo Jr., commander ng JTF-Sulu. 

Read more...