Arjo ipinakilala na si Maine sa pamilya

MAINE MENDOZA AT ARJO ATAYDE

SA wakas, ipinakilala na ni Arjo Atayde ang girlfriend niyang si Maine Mendoza sa pamilya niya nitong Huwebes nang gabi kung saan sabay-sabay silang nag-dinner sa bahay nila sa Quezon City.

Isang nagpakilalang ArMaine supporter ang tumawag sa amin at nagsabing nasa bahay daw nina Arjo si Maine bandang 6 p.m. “Si Meng nasa bahay nina Arjo now,” sabi niya.

Kaya tinext namin si Sylvia Sanchez kung totoong nasa bahay nila ang TV host-actress at umoo naman agad ang mama ni Arjo.

Hindi na kami nangulit pa dahil kapag ganu’n katipid ang sagot ni Ibyang ay ibig sabihin ay busy siya. Kaya kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito ay muli namin siyang tinanong tungkol sa pagpunta ni Maine sa kanila.

“Oo, ipinakilala na ni Arjo si Maine sa amin kahapon, sino nagsabi sa ‘yo?” sagot ng aktres.

“Oo, nandito si Maine nag-dinner. Ipinakilala siya ni Arjo, sakto nandito lahat ng mga pamangkin ko, si mama ko, e, di ba close si Arjo sa lola niya.

“Actually, nu’ng nasa Hongkong palang kami tinatanong na ako ni Arjo kung ano ang lakad namin ng Thursday sabi ko wala. Kasi Wednesday balik namin from Hongkong, so pahinga ng Thursday. Tapos nabanggit nga ni Arjo na isasama niya si Maine,” ani Ibyang.

Ano’ng impression nila kay Maine? “Sa totoo lang, gusto ko siya kasi napaka-warm niya, pagpasok palang sa pinto, nakangiti na at lahat binati niya, mga pamangkin ko, mama ko, daddy ni Arjo, basta lahat ng nasa bahay.

“Pati nga si Rose (cook) kasi pinaakyat ko may sinabi ako, nakita siya ni Arjo, ipinakilala niya si Maine, sabi niya, ‘si ate Rose cook namin.’ At nag-hi si Maine.

“Napakasimple ni Maine, marespeto wala akong naramdaman na, ‘ako si Maine Mendoza’ o ‘sikat ako.’ Napaka-jolly niya, basta simpleng tao. Ganu’n ‘yung ugaling gusto ko,” masayang kuwento ng aktres.

Pag ganito ang feedback na nakuha namin ay siguradong boto ang pamilya Atayde sa dalaga.

Ano raw ang plano nina Arjo at Maine? “Ay walang mga ganu’ng usapan, walang tungkol sa bashing, wala lahat, kaswal na usapan lang ng kung anu-ano,” mabilis na sabi ni Sylvia.

Nag-request kami ng litrato sa ginanap na dinner kasama si Maine at pamilya ni Arjo, “Naku walang picture-picture, ayaw ni Arjo. Ayaw niya ng may post-post, ayaw ng showbiz. Kung hindi ka nga nagtanong hindi ko sasabihin sa ‘yo. Sino ba yang tumawag sa ‘yo? Ang bilis naman ng radar?” say ng aktres.

 

Read more...