Bawas-suweldo sa nagkakamaling OFW sa HK

NAGSISIMULA pa lamang noon ang Bantay OCW program, 22 taon na ang nakalilipas, nang sunod-sunod na mga kaso ng pang-aabuso sa ating mga OFW ang naenkuwentro namin, lalo na sa hanay ng mga babaeng domestic workers.

Kung nakasunog ng damit sa pamamalantsa, paplantsahin din ng amo ang mismong bahagi ng katawan ng OFW na parehong-pareho sa bahagi ng damit na nasunog.

Kung disgrasyang nakatapon siya ng kumukulong tubig, babanlian din ang OFW ng kumukulong tubig.

May OFW namang pinagsisipa sa likod ng magkakapatid na mga sundalong amo nitong lalaki dahil hindi maayos ang pagkakaplantsa ng kanilang uniporme.

Mayroon namang OFW na namantsahan ang damit na nilabhan, kung kaya’t pinainom ng amo ang asidong nailagay sa naturang labahin.

Maging ang mga baso at pinggan na nabasag nila, para bang napakalaking kasalanan na ang kanilang nagawa at pababayaran iyon ng malaking halaga.

Ganyan katindi ang dinaranas ng mga OFW. Pinahihirapan talaga sila ng kanilang mga amo dahil sa kanilang mga pagkakamali.

Kamakailan lamang naglabas ng batas ang Hong Kong hinggil sa pagbabawas ng suweldo sa mga OFW kung sakaling nakasira sila ng gamit o kasangkapan sa bahay ng kanilang mga amo bilang kabayaran.

Ayon sa naturang batas, magbabayad lamang ng 300 HK dollars ang OFW para sa mga nasirang gamit tulad ng mga kasangkapan sa bahay pati na personal na gamit ng kanilang mga amo.

HIndi maaaring lumagpas sa 25 percent ng sahod ng OFW ang dapat ibawas sa kanilang sweldo.

Dahil dito, nagpaalala ang Konsulado ng Pilipinas sa HK sa ating mga OFW na huwag silang pipirma ng kahit anong mga dokumento lalo pa’t hindi naman nila naiintindihan ang nilalaman noon.

Maaari silang magtanong sa mga opisyal ng Konsulado at nang hindi napapahamak.

Mabuti naman at may batas na lumabas sa HK hinggil dito. Mapoproteksyunan ang ating mga OFW laban sa pang-aabuso ng kanilang mga employer dahil sa mga hindi naman sinasadyang pagkakamali.

Tulad nang mga kuwento ng ating mga OFW noon sa Bantay OCW, buwis-buhay sila kapalit ng mga kamaliang hindi naman nila sinasadya o ginusto man lang.

Read more...