Sino nga ba ang mag-aakala na ang patambay-tambay lang na mamamatsoy ng basura sa Tondo ay magiging mayor pala ng Maynila isang araw? Siya pala mismo ang kikilalaning ama ng kanyang siyudad.
Lalaking Nora Aunor kung ilarawan nu’n ng mga reporters ang payak na buhay ni Isko Moreno.
Namamatsoy siya ng basura sa palibot ng Tondo, kung minsan naman ay sumasampa silang magkakaibigan sa bagong daong na barko sa pier, namumulot sila ng mga bote na ibinebenta nila sa suki nilang tindahan.
Natatandaan pa naming kuwento ni Isko, “‘Yung mga pagkaing tira-tira sa mga fast food, ‘yun ang inaabangan namin kapag magsasarado na sila. Nakalagay sa black bag ‘yun, itinatapon na nila,. ‘Yung mga piraso ng fried chicken na mapapakinabangan pa, ‘yun ang kinukuha namin, ipiniprito uli namin ‘yun, napakasarap nang ulam mula agahan hanggang hapunan,” kuwento ng mayor na ngayon ng Maynila.
Napilitan siyang kumandidato nu’ng katatapos lang na eleksiyon dahil ayon sa aktor-pulitiko ay hindi pinanindigan ni dating Pangulong Joseph Estrada ang kasunduan nila nu’ng 2013.
“Isang termino lang daw siya, sabi niya, pero nu’ng 2016 na, nagbagong bigla ang ihip ng hangin. Ako na dapat ang tatakbo nu’n bilang mayor, pero isa pa raw siya, kaya kumandidato akong senador,” madiin niyang pag-alala.
Walang mag-iisip na makakaya pala niyang talunin ang dating pangulo at pababa nang mayor ng Maynila.
Suntok sa buwan ang kanyang kandidatura pero nagsalita na ang mga Manilenyo.
Siya na ang bagong ama ngayon ng lunsod na mahal na mahal niya.