KAPUSO na uli sina Aiko Melendez at Eddie Garcia!
Makakasama si Aiko sa upcoming series ng GMA 7 na Prima Donnas kasama sina Katrina Halili at Wendell Ramos habang si Manoy naman ay magiging bahagi ng bagong action-drama series na pagbibidahan sina Gabbi Garcia at Thea Tolentino.
Sa kanyang Instagram account, nagpasalamat si Aiko sa ABS-CBN na naging tahanan niya sa loob ng siyam na taon.
“Nagpapasalamat po ako sa chan 2 sa 9 years na oppurtunity na binigay nyo sa akin na makapag work dahil dito ako nag grow bilang isang actress at hindi ko mararating kung ano ako ngayon kundi dahil sa kanila.
“Nagpapasalamat po ako sa mga Boss ko po sa ABS CBN dahil maayos naman po ang aming relasyon at nakapagpaalam ako ng maayos,” mensahe ng aktres.
Dagdag pa niya, “Para sa akin po ang work ay napaka halaga bilang isang single mom. Kaya nagpapasalamat ako sa bagong blessing na binigay ng GMA 7 sa akin. Maliit ang mundo ng showbiz kaya alam ko sa puso ko na sa mga susunod na pagkakataon makakatrabaho uli ako sa ABS CBN! I will forever be grateful, No Goodbyes only but good words for ABS CBN.
“For now, as I embark another journey in my career, im looking forward to be playing a Big Part in this new afternoon soap of GMA 7 entitled PRIMA DONNAS. Salamat mga Kapamilya at Kapuso,” lahad pa ng award-winning actress.
Huling napanood si Aiko sa ABS-CBN sa seryeng Bagani ngunit mas nagmarka siya sa Wildflower ni Maja Salvador. Ang last project naman niya sa GMA ay ang afternoon series na Sine Novela: Basahang Ginto noong 2010 kung saan gumanap siyang nanay ni Carla Abellana.
Samantala, sa Instagram page naman ng Kapuso naka-post ang litrato ni Gabbi Garcia kasama si Eddie Garcia at ang direktor na si Toto Natividad.
Parehong naging bahagi ng Kapamilya series na FPJ’s Ang Probinsyano sina Manoy at Direk Toto at ngayon nga ay muli silang magsasama sa pinakabagong action-drama series ng GMA.
Huling napanood si Direk Eddie sa 2015 primetime series na Little Nanay na pinagbidahan ni Kris Bernal.