HAWAK na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay at umano’y paghalay pa sa isang graduating college student sa Lipa City, Batangas.
Nadakip si Jorge Benedicto sa Victoria, Oriental Mindoro, pasado alas-5 ng hapon Martes, ayon sa ulat ng Lipa City Police.
Isinagawa ng mga pulis mula Lipa at Victoria ang operasyon apat na araw matapos matagpuan ang mga labi ng 21-anyos na si Fidex Therese Maranan, sa bahay nito sa Miracle Heights Subd., Brgy. Antipolo Del Norte.
Matatandaang natagpuan na nakahandusay at natatakpan ng kumot ang dalaga, na isang 4th year college student sa Dela Salle Lipa, sa sahig ng kanyang kuwarto noong Mayo 17.
Humingi ng hustisya para kay Maranan ang kanyang mga kakilala, bunsod ng impormasyon na siya’y sinaksak sa leeg at hinalay pa.
Tatlong araw na umano ang nakalipas bago natagpuan ang bangkay ni Maranan, na napag-alamang nag-iisa na lamang sa bahay dahil matagal nang pumanaw ang kanyang magulang.
Dinitine sa Lipa City Police Station ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon.