‘Salamat pre, suwerte lang’

WALANG puwang sa mundo ng basketbol ang isang nilalang na hindi kilala si Leovino Rodriguez Austria, mas kilala bilang Leo Austria.
Unang-una, ang pinagmamalaki at pinakasikat na anak ng Sariaya, Quezon na may dugong Batangueño ang may hawak ng karangalan bilang coach na ginabayan ang San Miguel Beer sa limang sunod na titulo sa PBA All-Filipino conference, na ngayo’y mas kilala bilang Philippine Cup.
Sa kabuuan ay may 27 titulo ang Beermen sa liga.
Sa mga eksperto at sa mga nagkukunwaring eksperto (nagkalat sa mundo ng isports ang mga yan… pati na rin sa pulitika), nakaukit na sa pahina ng kasaysayan ang pangalang Leo Austria.
Pitong kampeonato sa walong finals appearance mula 2014.
Ngunit ang nakatataba ng puso ay ang hindi nagbabago ang ugali ni Leo. Nananatili siyang nakayapak sa lupa at walang ere sa pananalita. Paminsan-minsan ay umiinit din ang ulo ni Leo lalo’t hindi maintindihan at magulo ang mga pito ng mga reperi, ngunit hanggang doon na lang ‘yon. Kumbaga, walang personalan… trabaho lang!
Matapos ang makapanindig-balahibong panalo kontra Magnolia Hotshots sa nakaraang Philippine Cup Finals ay (hindi na ito sorpresa sa kanyang mga kaibigan) seryosong hindi inangkin ni Leo ang papuri para sa five-straight champion Beermen.
Bagkus ay binigay niya ang karangalan sa kanyang mga manlalaro na dahil sa kanilang determinasyon at angking husay ay nagmukha siyang ‘‘mahusay na coach.’’
Hindi rin nakalimutan ni Leo ang mga utility men at siyempre pa ang manedsment ng San Miguel sa pangunguna ni Ramon S. Ang, ang presidente at chief executive officer ng San Miguel Corporation.
Matapos kong batiin si Leo sa kanyang muling pagkapanalo ay isa lang ang sinabi niya sa akin.
‘‘Salamat pre, suwerte lang.’’
Sa aking palagay, nahulma ang karakter ni Leo sa mahusay na pagpapalaki ng kanyang mga magulang. Si Leo ay bunso at nag-iisang lalaki sa pamilya.
Produkto si Leo ng pampublikong-paaralan at lumaki sa Sariaya.
Sa mga hindi nakakaalam, kalapit-bayan ng Lucena City ang Sariaya na kilala sa mga produktong ginagamitan ng harina tulad ng pinagong, apas, at ibat-iba pang mga pasalubong.
Ang “vino” na nakakabit sa pangalan ni Leo ay kinuha ng kanyang mga magulang sa kalendaryo at sa pagsusuri ng santo ng mga alak si Vino. Yun nga lang, hindi mahilig uminom ng vino si coach Leo.
Ang magandang balita (masamang balita sa mga ban-ka-la ng SMB), hindi pa pagod na manalo si Austria. Kaya naman, asahan ang patuloy na pamamayagpag ng Beermen sa mga susunod taon. Nananatiling enjoy si Austria sa coaching at hindi siya umuurong sa mga challenge.
Kung susuriin ay kapwa magaganda ang mga ugali nina Leo at ng kanyang manlalaro na si June Mar Fajardo na sa aking palagay ay malaking bagay sa kanilang mga nararanasang tagumpay.
Tulad ni Leo ay hindi mo makikitaan ng mga kilos na labag sa alituntunin ng liga si June Mar (kahit si Spider-Man hindi niya pinatulan), kaya naman hindi nawala kailanman ang kanyang pokus sa tunay na misyon ng San Miguel.
Makalaglag-panga ang mga ginagawa ng Cebuano superstar sa liga. May tatlo na siyang Finals MVP, limang sunod na season MVP, pitong kampeonato, walong Best Player of the Conference award at siyempre pa pinasarap niya ang Game 7 sa pamamagitan ng pagtala ng bagong marka sa single-game rebounds by a local player (31).

Your time will come, Chito

Nais ko ring papurihan ang inugali ni Magnolia coach Chito Victolero na nagpakita ng kakayahan na makipagsabayan kay Austria.
Tulad ni Austria ay mahusay magbalasa ng manpower ang dating PBA player na si Victolero. Nagawa nga niyang pakabahin at pabilisin ang tibok ng puso ng mga San Miguel fans.
Malaking sakit sa ulo si Fajardo sa laro ng Hotshots ang natitiyak kong pinag-aralan ni Victolero kasama ang kanyang coaching staff kung paano (kahit papaano) pigilan o pahirapan si June Mar na nagawa pa ring pumuntos at mag-rebound ng marami.
Sa totoo lang, hindi naman talaga mapipigilan si June Mar ngunit may mga pagkakataon din namang nawawala siya sa tiyempo.
Umabot sa Game 7 ang serye at ito ay napakahirap gawin lalo’t Beermen ang iyong kaharap. Nagawa ito ni Victolero at sa totoo lang ay nauna pa sa tatlong panalo ang Hotshots bago rumatsada ang Beermen.
May isang titulo si Chito at hindi naman malayong isipin na dahil sa kanyang estilo at paghawak ng mga manlalaro ay makakakuha pa siya ng maraming kampeonato sa liga.

Read more...