“WISH ko, heto sinagot na, sinorpresa ako nina Arjo, Ria at Gela dito sa Disneyland!” Yan ang sagot sa amin ni Sylvia Sanchez nang maka-chat namin nitong nagdaang Linggo.
Sa nasabing bansa nagdiwang ng kanyang ika-48th kaarawan si Ibyang kasama ang asawang si Papa Art, bunsong anak na si Xavi, ang kanyang nanay, mga kapatid at pamangkin. Ka-join din ang ilang kaibigan at kasamahan sa management agency nilang Powerhouse Arte.
Sabi pa ni Ibyang, “Hindi ko talaga sila kasama (Arjo, Ria at Gela) mag-celebrate ng birthday ko dito sa Disneyland.
May taping si Arjo and Ria, si Gela may dance training. Kaya hindi ko na pinilit. At yon ang wish ko, sana nandito rin sila kasi bihira na talaga kaming mabuo lalo na pag out of the country. Tanggap ko na ‘yan.
“‘Yung wish ko nasagot din mismo sa araw ng birthday ko kasi dumating sila, sinorpresa nila ako.
“Nu’ng nalaman ng daddy nila kahapon na na-pack-up trabaho nina Ria at Arjo kinunan agad sila ng ticket para pumunta dito sa HK. Nasorpresa ako ng mag-aama ko bigtime! Ang tanging nasabi ko na lang sa sarili ko, ‘happy birthday to me Lord! Thank you Lord!” sabi pa sa amin ng aktres.
Anyway, masaya rin ang nanay nina Arjo at Ria dahil nominado ang mga anak sa 35th Star Awards for Movies para sa kategoryang Best Supporting Actor at Best Supporting Actress para sa “Buy Bust” at “The Hows of Us” respectively.
Nominado rin si Arjo sa Gawad Urian at 3rd EDDYS Choice ng Society of Entertainment Editors (SPEEd) para sa kategoryang best supporting actor (Buy Bust), “Ibig sabihin, napapansin na ang mga anak ko sa sarili nilang pagsisikap,” say ni Ibyang.