UMABOT sa 34 ang sugatan, kabilang ang 30 pasahero at apat na LRT personnel matapos umandar ang sirang tren ng Light Rail Transit 2 at bumangga sa isang bumibiyaheng tren.
Sinabi niLRT Authority spokesman Hernando Cabrera ang sirang tren ay nakaparada sa pocket track sa pagitan ng Anonas at Cubao stations. Mayroon itong sira kaya ipinarada muna roon bago hatakin pabalik sa LRT2 depot sa Santolan, Pasig City.
Pero bigla umanong umandar ang sirang tren papuntang Cubao at sa riles kung nasaan ang Train no. 13 na patungo naman sa direksyon ng Santolan station alas-9:51 ng gabi.
Namonitor ng station operator ang pag-andar ng sirang tren at sinabihan ang driver ng Train no. 13 na huminto at sabihan ang mga pasahero na mayroong babangga sa kanila.
Sugatan ang 31 pasahero na isinugod sa World Citi Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, at Manila Medical.
Napasugod sa lugar si Transportation Sec. Arthur Tugade at LRTA administrator Reynaldo Berroya.
Tiniyak ni Tugade na ang Department of Transportation at LRTA ang sasagot sa lahat ng gastusin sa ospital ng mga biktima. Inutusan din niya ang mga tauhan ng ahensya na magbigay ng pagkain at ihatid pauwi ang mga ito.
Sasagutin umano ng ahensya maging ang follow-up checkup at nawalang kita ng mga pasahero.
Isang masusing imbestigasyon ang ipinag-utos ni Tugade upang matukoy ang naging sanhi ng aberya.
Isang Fact Finding Committee rin ang binuo ni Berroya upang magsagawa ng imbestigasyon at tiyakin na hindi na mauulit ang aksidente.