NAKAUWI ng ligtas ang isang Overseas Filipino dahil sa mabilisang aksyon ng ABS-CBN Tulong Center, ang programang “ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa DZMM” sa radyo at mga ahensiya ng gobyerno.
Ilang buwan nang nagtatrabaho si Lilian Abenoja bilang isang helper sa Riyadh, Saudi Arabia nang magsumbong siya sa kanyang asawang si Renato Rimando na inaabuso siya ng kanyang mga amo at hindi siya makaalis.
Dumiretso si Renato sa Tulong Center help desk at agad siyang binigyan ng endorsement letter para sa Overseas Workers Welfare Adminsitration (OWWA).
Ipinaalam din ang sitwasyon ni Lilian sa programang “ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa DZMM” nina Julius Babao at Bernadette Sembrano-Aguinaldo na tumalakay sa kwento niya at inilapit siya sa Repatriation Assistance ng OWWA, upang kaagad itong maaksyunan.
Sa loob ng isang buwan, nakauwi na si Lilian sa piling ng kanyang asawa at dalawang anak.
Dumalaw ang mag-asawa sa Tulong Center kamakailan lang at ikinuwento ni Lilian ang mga karanasan niya. Ilang buwan siyang nakaranas ng pambabastos sa lalaking amo at inakusahan pa siya ng babaeng amo na nang-aakit sa asawa.
Hindi na siya binigyan ng sweldo, pagkain, at iba pang pangangailangan. Lumala pa ang sitwasyon noong nananakit na rin ang mga batang alaga niya.
“Kami ay nagpapasalamat sa ABS-CBN, dahil sa tulong nito, napagbigyan ng tugon ang aming sitwasyon,” sabi ni Renato.
“Alam namin ang mga karanasan ng ibang tao na naaabuso, nagagahasa, o minan namamatay. Pero sa tulong ng ABS-CBN, na mabilisang inalerto ang mga pwedeng makatulong, naaksyunan agad ang aming kahilingan na pauwiin siya na ligtas,” sabi pa ni Renato.
Binuksan noong Pebrero 2014, ang Tulong Center at may layuning magbigay serbisyo sa mga Kapamilyang nangangailangan sa aspetong legal, medikal, at iba pa.
Habang hindi ito namimigay ng pinansyal na tulong tulad ng pera, nakikipagugnayan ito sa iba’t ibang grupo, kabilang ang mga ospital, botika, at ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng mga pinansyal na tulon. Mahigit 40,000 na indibidwal na ang natulungan nito.
Katuwang din ng Tulong Center ang programang “ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa DZMM” ng DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo para matampok ang mga kwento ng nangangailangan ng tulong upang maaksyunan ng mga organisasyon at ng gobyerno.
Maaaring puntahan ang Tulong Center sa ABS-CBN Compound sa Eugenio Lopez Drive mula Lunes hanggang Biyernes mula 8 am hanggang 5 pm. Pwede rin tawagan ang hotline sa 4141296 o 4145431, o sa Facebook sa facebook.com/abscbnfoundationkapamilya.
Masasagot ang mga hiling para sa tulong sa loob ng 24 na oras. Maaari ring tumawag ang mga volunteer o gusto tumulong sa hotline para maghatid rin ng serbisyo sa mga kapwa.
Para sa iba pang impormasyon, pumunta sa facebook.com/abscbnfoundationkapamilya. Para sa updates, i-follow ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, at Instagram, o pumunta sa abscbnpr.com.