Updated: Van, trak nagsalpukan: 9 patay, 13 sugatan

SIYAM katao ang nasawi at 13 pa ang nasugatan nang magsalpukan ang pampasaherong van at isang trak, sa Babatngon, Leyte, Biyernes ng umaga.

Dead on the spot ang walo sa mga pasahero ng van, base sa deklarasyon ng municipal health officer, sabi ni Lt. Col. Ma. Bella Rentuaya, tagapagslita ng Eastern Visayas regional police.

Nakilala sila bilang sina Nene Ochea, Emie Elorde, Marilyn Taringan, pawang mga housewife; Jackon Casarigo, Elyong Piscos, at isang “Leila,” pawang mga residente ng Talalora, Samar; at sina Alden Camuin at Remelyn Camuin.

Binawian naman ng buhay sa ospital ang isang Chino Bryan Becha, 18, na pasahero din mula Talalora.

Sugatan ang van driver na si Rodel Ecat at 10 niya pang pasahero, pati ang truck driver na si Wenwen De Leon at kanyang pahinante.

Nagpapagaling pa sila sa Eastern Visayas Regional Medical Center ng Tacloban City, habang isinusulat ang istoryang ito.

Naganap ang insidente sa bahagi ng National Highway na sakop ng Sitio Tab-ang, Brgy. District III, dakong alas-6:15.

Minamaneho ni Ecat ang van na may markang “Omerah” (plate no. 0884403) mula Babatngon patungong Tacloban City, nang makasalpukan nito ang 6-wheeler truck (LEF-758) na may kargang mga baboy at minaneho ni De Leon.

Dahil sa impact, “totally wrecked” ang van habang nagtamo rin ng pinsala ang trak, ani Rentuaya.

Nasa kostudiya ng pulisya ang mga sasakyan para sa pagdodokumento at karagdagang imbestigasyon.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng insidente, habang isinusulat ang istoryang ito.

Read more...