NAGTATAKA ang Kapuso beauty queen-actress na si Winwyn Marquez kung saan nanggaling ang chika na may “something” sa pagitan nila ng Pambansang Bae na si Alden Richards.
“Hindi ko nga alam, e. Actually, siguro nag-start yan nu’ng pumunta kami sa opening ng McDonalds niya. E, si Alden naman, kaibigan ko naman ever since. Yung teleserye niya na One True Love, nandoon ako,” unang paliwanag ng dalaga nang makausap ng ilang members ng press sa presscon ng latest afternoon series ng GMA na Dahil Sa Pag-Ibig.
May mga nag-post kasi ng litrato nila ni Alden sa social media na magkasama at magkatabi at ilang netizens ang nagbigay ng malisya rito. Natawa lang daw siya nang makarating sa kanya ang isyu dahil alam niyang hindi ito totoo.
“Lahat naman yata nali-link kay Alden. Matagal na kaming magkaibigan ni Alden at alam naman ng lahat na mabait si Alden. Sweet sa lahat. Natawa lang talaga ako. My gosh, isa na rin ako sa na-link kay Alden. Nakakatawa!
“Parang, bakit? Nabigyan lang talaga nila ng malisya. We’re good friends.
“Kunwari, parang nabasa sa ‘yo, like ni Alden, like sa mga Instagram, public naman yung account namin. Hindi lang naman ako yung nila-like ni Alden. Meron akong na-like sa kanya, meron siyang na-like sa akin, wala naman talaga,” aniya pa.
At siyempre, dahil sa pagli-link sa kanila ni Alden na-bash din si Winwyn ng mga fans,“Deadma naman ako sa mga pamba-bash, actually, nagulat na lang din ako saan nanggaling yung story.
“Wala naman kaming itinatago, nag-uusap naman talaga kami ni Alden kapag nagkikita. And he’s very sweet naman din talaga sa lahat,” aniya pa.
Nang tanungin siya kung posible bang magkagustuhan sila ni Alden, “Parang hindi naman yata tama na tanungin ako ng ganun! Si Alden, I don’t think he’s ready for something like that. I’m enjoying yung single moment ko. Kasi, ngayon lang din ako naging single talaga.”
Ilang buwan na ang nakararaan ay inamin ni Winwyn na break na sila ni Mark Herras at hindi na raw sila nakakapag-usap uli. Ipinagdiinan ng dalaga na wala pa sa priorities niya ngayon ang makipag-boyfriend uli.
Mas gusto niyang mag-focus ngayon sa kanyang career lalo na ngayong kasama siya sa pinakabagong GMA Afternoon prime series na Dahil sa Pag-Ibig kung saan makakasama niya sina Sanya Lopez, Benjamin Alves, Pancho Magno at marami pang iba.
Siya ang gaganap na kontrabida sa kuwento na magpapahirap kay Sanya at mang-aakit kay Benj. Challenging ang role rito ni Winwyn bilang babaeng gagawin ang lahat para maagaw at maangkin ang lalaking nagpapaligaya sa kanya.
Napalaban din siya sa maiinit na eksena with Benjamin. Bukod sa mga love scene at halikan ay may shower scene rin sila ng Kapuso hunk sa serye.