Resbak Bato, resbak!

PERO sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang kanyang tinig. Di na sila sumunod sa nag-iwan sa kanila. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gaw 11:1-18; Sal 42:2-3, 43:3-4; Jn 10:1-10) sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima, sa Lunes sa ikaapat na linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
***
Sa itinuring na demonyong lider, ipinakita ng Diyos, muli, ang Kanyang hiwaga at pagkilos. Sino’ng mag-aakala na di pala magaganap ang utos ng mga obispong sina Villegas, Bastes at Tobias sa botanteng Katoliko na iboto ang Otso Diretso? Nakapanghihilakbot na sa isang araw ay nabura ang angkang Erap sa alabok ng politika? Sino’ng mag-aakala na guguho ang tore ng Eusebio sa Pasig (si Emiliano Caruncho ay 40 taon; pimakamatagal)? Ang relihiyosang Connie, ina ni Vico, ay santambak na banal na kasulatan ang dala para patunayang ang salita ng Diyos ay moog na di pa rin magigiba sa 2019. Bakit si Duterte ang sinunod ng kawan at di ang dilaw na nag-iwan?
***
Una kong binanatan ang pamimilit ng obispo sa isang diocese sa Metro Manila na iboto ang Otso Inidoro, na isiningit sa seminar ng voters’ education at PPCRV poll duties. Walang nagawa (natural) ang mga pari sa dikta ng obispo, pero rumesbak ang ilan nang “tamarin” sa pangangalap ng poll volunteers mula sa matatanda’t kabataan. Ayokong husgahan si Cardinal Tagle nang ipasa niya sa mga parokya ang pasya sa Otso ng People’s Choice Movement, grupong Katoliko na pinangungunahan ang konsiyensiya ng mananampalataya.
***
Nang ihayag ang resulta ng eleksyon, at ni isang Inidoro ay di nakalabas ng banyo, mas tahimik pa kay Kristo ang matatabil na obispo. Marahil, nagmuni-muni at nagsaliksik mula sa mga kasulatan at talinhaga kung ano ang banal na pakli o kasagutan sa pambebelat ng dalawang daliri ng paninisi. Ayokong dustain ang mga obispo sa kanilang lihis na paniniwala dahil sila man na nasa luklukan ng kabanalan ay may karapatan sa maling kaisipan, tulad ng kalayaang iginawad ng Ama kay Jesus. Tulad ni Jesus, ayoko.
***
Hindi nakikita ng mga pulis ang kanilang sarili kay Panfilo Lacson. Nevah. Kay Bato, may kakampi na sila. Kaya naman, ang payo nila kay Bato, resbakan sina Pangilinan, Hontiveros, Drilon, atbp., ang mga nanlait at nanliit kay Bato; at naghusga sa buong PNP. Huwag mong reresbakan si Lacson; ingat ka lang, baka gamitin ka niya. Kuwidaw sa mga papuri niya.
***
Ngayong panalo na si Bong Revilla, isoli naman niya ang milyones na ipinasosoli sa kanya ng Sandigandaban. Di ka na nga na-convict ng Sandiganbayan, di mo pa isosoli ang pera? Ano ka, anak ng teteng (sabi mo yan)? Ngayong senador na naman siya, sa malamang na mapalitan ang hepe ng PNP sa Bacoor na walang humpay ang panghuhuli sa mga shabungero, malapit man ito o malayo sa City Hall ni Lani. Baka nga mapalitan din ang masipag na si Col. Segun, ang PD.
***
Ano naman ang gagawin ni Lito Lapid sa Senado? Ah, maghintay ng susunod na Corona? Isa siya sa nagpatalsik kay totoong Chief Justice Renato Corona. Napakagaling ni Lapid nang patalsikin niya si Corona, na siya (Lapid) mismo ay di nauunawan ang nagaganap. Sa iyong pagbabalik-Senado, sana ay dala mo na ang critical thinking at critical perception. Baka naman sabihin mo, di yan itinuro sa high school.
qqq
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan): Pinakamasiglang tema ang politika, ang mga nanalo noong Lunes, sa umpukan ng seniors. Kilala nga nila ang mga pangalan at apelyido sa ina, nina Recto, Tañada, Diokno, Tolentino (di kadugo ni Francis), Salonga, Rodrigo, Kalaw, Ziga, at Cuenco. Ngayon, gitara, kadugo, pagpapatawa’t boksing ang gamit para maging senador.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Dakila, Malolos City, Bulacan): P200 sa sample ballot? Insulto yan. Ang sabi ng komunistang labor groups, P768 ang minimum. Paanong mabubuhay ang pamilya na lima ang palamunin sa P200? Ah, kapag senador, P140M na?
***
PANALANGIN: Ipadala Mo ang Iyong katotohanan. Sal 43:3
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Huwag naman ninyong patayin si Triling kapag lumapag sa airport. …3210, ng 24-C, Davao City.

Read more...