Pelikula nina Solenn at Benjamin umariba sa Cannes filmfest 2019

BENJAMIN ALVES

BONGGA ang pelikula ng Kapuso stars na sina Solenn Heussaff at Benjamin Alves na “Mystery of the Night” directed by Adolf Alix, Jr..

Isinama kasi ito ng Paris-based sales outfit na Reel Suspects sa mga pelikulang napili para ipalabas sa premier movie market, Marche du Film bilang bahagi ng 72nd Cannes Film Festival na nagsimula last Tuesday.

Nasa Paris ngayon si Direk Adolf kasama ang iba pang Pinoy directors and producers with some members of the Fim Development Council of the Philippines sa pangunguna ni Chairman Liza Dino, para sa taunang Cannes filmfest.

Ang “Mystery of the Night” ay isang Filipino drama tungkol sa isang napakagandang dalaga na lumaki sa kagubatan na sa unang pagkakataon ay makakaranas umibig sa isang lalaking makikilala niya sa kanilang lugar.

Samantala, bukod sa nasabing pelikula, isa na namang challenge ang haharapin ni Benjamin Alves sa bago niyang teleserye sa GMA, ang Dahil Sa Pag-Ibig kung saan makakatambal niya ang Kapuso sexy actress na si Sanya Lopez.

Sa trailer pa lang ay ipinamalas na nina Benj at Sanya kung gaano ka-intense ang mga eksenang mapapanood ng Kapuso viewers sa kanilang bagong GMA Afternoon Prime series.

Ang nasabing Kapuso series ay sasalamin sa buhay ng mga overseas Filipino worker (OFW) at ng kanilang mga pamilyang naiiwan sa Pilipinas.

Gaganap si Benjamin bilang OFW na si Eldon na mapapahamak sa kanyang trabaho abroad. Si Sanya naman ang gaganap bilang kaniyang butihing asawa na si Mariel na gagawin ang lahat, masagip lang si Eldon sa sitwasyong kinalalagyan nito. Makakasama rin nila rito sina Pancho Magno at Winwyn Marquez na mas magpapagulo pa sa takbo ng kanilang masalimuot na buhay.

Ayon kay Benjamin, matindi ang preparasyon na ginawa nila ni Sanya para sa mga madadramang eksena at intimate scenes nila sa Dahil Sa Pag-Ibig para maging makatotohanan ang bawat episode ng programa kung saan gaganap nga sila bilang mag-asawa.

At bukod nga sa ipakikita nilang intense acting sa serye, siguradong magpipiyesta rin ang mga manonood sa kaseksihan ng dalawang Kapuso stars na game na game magpakita ng kanilang mga hubad na katawan.

Read more...