2019 Eleksyon: reklamo, reklamo

HINDI lang ang mga botante ang nagkaroon ng kalituhan noong Lunes maging ang mga Board of Elections Inspectors.
Isa sa hindi nalinaw na tanong ay kung papaano boboto ang mga Board of Election Inspectors—yung mga umuupo para magpaboto.
May nagsasabi na pwede na silang bumoto kung saan sila nakadestino.
May nagsasabi naman na dapat ay pumunta sila kung nasaan ang kanilang presinto at doon bumoto.
Baka daw kasi tanggalin na ang kanilang pangalan kapag hindi sila sa presinto nila bumoto.
***
Wala namang masyadong bago sa eleksyong ito.
Marami pa ring botante ang hirap na hanapin ang kanilang pangalan.
Merong nawawala ang pangalan kahit bumoto daw sa barangay elections.
At buti pa raw ang mga patay, nasa listahan pa ang pangalan pero silang boboto wala na.
Maraming nagrereklamo dahil mahaba ang pila, mainit dahil kulang ang bentelador, may sumisingit daw sa pila.
May mga vote counting machine na hindi gumagana tapos hindi mahanap kung nasaan ang mga extra machines na pwede sanang ipalit sa nasira.
Si dating Vice President Jejomar Binay hindi tinanggap ng machine ang balota niya kaya pumunta siya sa Commission on Elections para magreklamo. May dumi daw ang kanyang balota kaya ayaw itong basahin ng VCM.
May mga lugar na napili para maging pilot testing ng Voters Registration Verification Machine para mas maiwasan umano ang dayaan. Para hindi makaboto ang mga flying voters.
Mahirap nga naman na makopya ng mga mandaraya ang fingerprint. Kaya lang pumalpak ang ilan sa mga makinang ito. Sa susunod na eleksyon (2022) sana ay ma-perfect na ang sistemang ito.
***
May na-curious, 12 lang ang pwedeng iboto sa pagkasenador sa mid term elections kahapon, tama? Ang Hugpong ng Pagbabago ay mayroong 13 kandidato sa pagkasenador.
Sino kaya sa 13 kandidato ng HNP ang hindi ibinoto ni Davao Mayor Sara Duterte?
Tsaka yung 13 kandidato ng HNP, sino sa kanilang kasama ang hindi nila ibinoto.
May kumalat pang sample ballot kung saan tinanggal daw ang isang Mindanaoan senatoriable.

Read more...