PANSAMANTALANG naantala ang botohan sa ilang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, at Biliran, nang magloko ang ilang vote counting machine (VCM).
Unang nag-“malfunction” ang dalawang unit ng VCM sa presinto ng Brgys. Hilaan at Buenavista, bayan ng Bontoc, Southern Leyte, dakong alas-11 ng umaga, ayon sa pulisya.
Pinalitan ni election officer Laurence Irman Gelsano ang mga naturang makina.
Dakong alas-12, mga 3 VCM naman ang nagloko sa Brgys. Capilian, Balocawehay, at Buaya ng Abuyog, Leyte.
Nagloko din ang isang VCM sa Brgy. San Antonio, Alang-Alang; isa sa Brgy. Cambalading, Albuera; at dalawa sa Brgys. Masaba at Cansoso, bayan ng Matag-ob.
Nakipag-ugnayan na ang mga election inspector sa Comelec para palitan ang VCMs.
Sa Inasuyan Elementary School ng Kawayan, Biliran, halos kalahating oras naantala ang botohan dahil ni-reject ng VCM ang mga balota, ayon sa pulisya.