KAKATWA ang mga kautusan na inilabas ng bagong pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ang lahat ng mga pulis ng Metro Manila ay inatasan na huwag mangulangot sa publiko kung sila’y naka-uniporme.
Ang isa pang kautusan ay para sa mga lalaking pulis: Huwag magkamot ng bayag sa harap ng maraming tao kapag sila’y in full uniform.
Dapat pa bang ibigay ang ganoong kautusan?
Kulang na lang sabihin na huwag din umutot ng malakas at magkalat ng mabahong amoy sa harap ng maraming tao kapag ang pulis ay naka-uniporme.
Kung sabagay, hindi naman labag sa batas na mangulangot o magkamot ng bayag o magkalat ng masamang hangin sa publiko.
Pero ang mga ito ay labag sa magandang asal.
Dapat hindi lang kagalang-galang ang kilos ng mga pulis sa mata ng taumbayan. Dapat kagalang-galang din ang kanilang pagkilos upang sila’y respetuhin ng taumbayan.
Ang pangungulangot, pagkakamot ng bayag o pag-utot sa harap ng publiko ay mga gawaing hindi kagalang-galang.
Pero dapat pa bang ibigay ang ganoong mga kautusan sa mga pulis?
Di ba edukado ang isang pulis?
Ang isa sa mga qualifications ng pulis ay siya’y college graduate.
Ang taong nagtapos ng kolehiyo ay inaasahang may kagandahang asal.
Kung gawain ng mga pulis sa Metro Manila ang mangulangot at magkamot ng kanilang bayag sa publiko, mabuti pa yung mga taong walang pinag-aralan.
Kung hindi naman nila ginagawa ang pinagbabawal na asal, bakit naman kaya nilabas ang ganoong kautusan?
Dapat ipinagbabawal din ng bagong pamunuan ng NCRPO ang pagti-text o paggamit ng cellular phone sa personal calls ng isang pulis kapag siya’y naka-duty.
Huwag din silang nakaupo kapag nakatindig sila sa kanto habang nagpapatrolya.
Kapag ako’y dumadaan sa talipapa ng Bicutan, Taguig, nakikita ko na nakaupo ang mga pulis na nakatalaga sa gitna ng talipapa. Kaya naman pala naglalakihan ang kanilang mga tiyan.
Ang ganitong mga tanawin sa mga pulis ay nagpapakita na wala silang disiplina.
Kung sabagay totoo naman na karamihan sa mga pulis natin ay walang modo’t disiplina.
Ilang beses na ring nakapunta ang inyong lingkod sa Hong Kong at Singapore at napansin ko ang kagalang-galang na kilos ng mga pulis doon.
Ang mga pulis ng Hong Kong at Singapore ay mga matipuno, walang tiyan at magandang magdala ng uniporme.
Napansin ko na kapag sila’y nagpapatrolya, ang isa sa kanila ay nakahawak ng walkie-talkie at nakikipag-usap sa central police station.
Kailan kaya maging kagaya ng mga pulis ng Hong Kong at Singapore ang ating kapulisan?
May old-timers na nakapagsabi sa akin na bago noong Ikalawang Digmaan, kagalang-galang ang mga pulis.
Ako’y lumaki sa mga kampo ng nalansag na Philippine Constabulary (PC), na pinalitan na ngayon ng Philippine National Police (PNP).
Ang PC noon ay national police, at meron ding mga city o town police.
Dahil ang mga PC ay sundalo, maganda silang magdala ng uniporme.
Kapag nagpatrolya ang mga PC sa mga liblib na pook, pinapatuloy sila ng taumbayan sa kanilang mga tahanan, tanda ng malaking paggalang sa kanila.
Sana’y maibabalik natin ang mga panahong iginagalang ng taumbayan ang ating mga alagad ng batas.