‘Kung si Kris nga biglang nawalan ng career sa ABS-CBN, si Coco pa kaya?’

COCO MARTIN

Sa isang malaking umpukan dahil break nila sa taping ay napunta kay Kris Aquino ang kuwentuhan ng magkakatrabahong personalidad.

May nagkomento kasi tungkol kay Coco Martin, ang sabi ng isang nandu’n, “Huwag siyang pakasigurado sa popularity na meron siya ngayon. Kung si Kris Aquino nga, may makapag-iisip bang ganyan ang magiging kapalaran niya sa ABS-CBN?

“Ang kapaniwalaan nu’n, e, mawawalan ng career ang lahat ng mga artista ng Dos, pero puwera lang kay Kris, dahil malaki ang utang na loob ng network sa family nila.

“But look what happened to Kris? Hindi lang siya pinagsasaraduhan ng pintuan at bintana ng istasyon, isinarado rin ng mga executives pati ang mga bubong ng network para sa kanya.

“So, huwag maging kampante si Coco, hindi niya hawak ang bukas, hindi na kagandahan ang mga kuwento tungkol sa kanya. Kung si Kris nga, e, nawalan ng career, siya pa kaya?” mahabang litanya ng isang female personality sa umpukan.

Pero isang veteran actress ang nagbigay ng positibong pananaw tungkol kay Kris, nakakatawa ang mga sinabi ng beteranong artista, pero totoong-totoo.

Sabi ng veteran actress, “But she’s very gutsy! She knows every reason para siya mapag-usapan.

“Alam niya kasi na kapag wala na siya sa mainstream, e, madali na lang siya makakalimutan!

“Magaling du’n si Kris, alam niya ang mga ginagawa niya. E, ano nga naman kung tawagin siyang sawsaw-suka, ang importante, e, nasa gitna pa rin siya ng laban!” madiing komento ng may edad nang babaeng personalidad.

Oo nga naman.

Read more...