KAHIT kaunting palatandaan ng muling pagbabalik sa mundong minahal niya ay walang nakikitang senyales ang mga kaibigan at katrabaho ng isang sikat na aktor.
Kuryente lang pala ang mga balitang lumulutang na tapos na ang kanyang pagkaburyong sa pag-aartista, gusto na uli niyang umarte, nagising na kuno sa katotohanan ang pamosong male personality na kailangan na niyang magtrabaho uli.
Kuwento ng aming source, “Nakita siya ng mga common friends namin, ibang-iba na ang itsura niya ngayon dahil parang hindi na siya gumagamit ng salamin, pero kitang-kita nila na masaya ang kaibigan nila ngayon.
“Imagine nga naman, natupad na rin sa wakas ang matagal na niyang sinasabi na sana, isang araw, e, makatulog siya nang hanggang gusto niya. ‘Yung matutulog siya na walang iniisip na kailangan niyang gumising kinabukasan nang napakaaga dahil may trabaho siya.
“Ngayon, e, kanyang-kanya na ang oras niya. Kung gusto niyang matulog lang maghapon, walang nangungulit sa kanya. Kung gusto niyang manood lang ng TV sa buong araw, e, nagagawa na niya ngayon ang matagal niyang pangarap,” unang chika ng aming source.
Nawiwirduhan man ang kanyang mga nakakausap ay pinalalampas na lang nila ‘yun, nakikita kasi nilang maligaya ngayon ang male personality sa malayang buhay niya, wala raw talagang kapantay na kahit magkano ang kaligayahan.
“Marami kasi siyang kuwento na kung minsan, e, hindi masakyan ng ibang mga nakakausap niya. Ang feeling nila, e, parang may kakaiba na siyang paniniwala. In short, parang may sayad na siya sa mga pinagsasasabi niya.
“Bakit nga naman, kasalanan na ba ang pagpapakatotoo? E, kung sa ‘yun ang nararamdaman niya ngayon, di ba? Hindi naman kasi niya nagagawa ang ganu’n dati.
“Naglalakad siya nang malaya ngayon, nakapag-iikot siya na walang nangungulit sa kanya para sa pakikipag-selfie, ngayon lang talaga niya nararanasan ang ganyang klase ng malayang buhay.
“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, wala nang kailangang clue, hindi na kayo mauupo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan sa panghuhula kung sino ang male personality na bumibida sa ating kuwento,” pagtatapos ng aming impormante.