SA panayam ng Bantay OCW kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa Radyo Inquirer, naibalita niya na nagpapatuloy ang pag-papauwi sa ating mga OFW mula sa Libya. Pero ang nakalulungkot ay mas marami pa rin daw ang tumatanggi at pinipiling manatili roon.
Talagang matumal kumbaga sa bentahan sa palengke ang nagnanais umuwi, pero hangad pa rin ng pamahalaan na makikipagtulungan din ang mga kapamilya ng OFWs na kumbinsihin silang pauwiin na sa bansa.
Kasabay na rin ng panawagang iyan, maraming naibalita si Secretary Bello para sa ating mga OFW.
Una na rito ang pagpapatayo ng OFW Hospital na inaasahang makukumpleto sa loob ng isa’t kalahati hanggang dalawang mga taon. Libre ang serbisyo ng ospital ito para sa ating mga OFW at kanilang mga kapamilya.
Idinagdag pa niya na maglalaan ng pondo ang pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasama rito sa General Appropriations Act o GAA upang kada taon ay may pondong maaasahan mula sa gobyerno.
Bukod sa ospital, nabanggit din ni Bello ang OFW Bank. Hindi pa pala operational ang naturang bangko dahil sa kakulangan ng uupong miyembro ng board. Ngunit nagbigay na umano ng direktiba si Pangulong Duterte na apurahin ang pagtatalaga ng naturang mga opisyal upang agad makapaglingkod na ang OFW Bank para sa ating mga OFW.
Nang nabanggit natin na dapat may iniaalok ang OFW bank na hindi kayang ibigay ng mga commercial banks, agad namang sinang-ayunan ito ni Bello. Aniya, maraming pribilehiyong matatanggap ang ating mga OFW mula sa bankong ito.
Kaya naman hinihimok niya ang ating mga kababayan na tangkilikin ang bankong sadyang nilayon para sa kanila.
Samantala, naibalita rin ni Bello na maraming mga bansa ang nagbubukas ng mga oportunidad na patrabaho para sa ating mga kababayan.
Kahit pinatutupad sa maraming mga bansa ang pagbibigay ng prayoridad para sa kanilang mga nationals, aniya, hindi rin nila tuluyang magawa na huwag tumanggap ng mga dayuhang manggagawa katulad ng ating mga OFW.
Palagi kasing nababanggit ang mga trabahong 3D o may tatlong D na tanging mga dayuhan at OFWs ang siyang gumagawa. Ito ang Difficult, Dangerous at Dirty na mga trabaho at ipinauubaya na nila sa mga dayuhan.
Nabanggit pa ni Bello na maaaring malagdaan na ang kasunduan sa pagitan ng Thailand at Pilipinas upang kumuha ng mga Pinoy teachers na magtuturo ng English.
Pero palaging may paalaala ang pamahalaan hinggil diyan. Na huwag basta maga-apply kung saan-saan. Sabi nga ni POEA Administrator Bernard Olalia, makipag-ugnayan muna sa Philippine Overseas Employment Administration upang magabayan sa tamang paga-apply lalo pa kung ito ay isinasailalim sa G to G o Government to Government Hiring.
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com