Arjo hayop ang akting bilang autistic sa ‘General’s Daughter’

ARJO ATAYDE

Masaya na naman si Arjo Atayde dahil nalaman niyang nominado siya sa Gawad Urian sa pagka-best supporting actor para sa pelikulang “Buy Bust” na gaganapin ang awards night sa Hunyo 18 sa UP Film Center.

Tulad din ng sinabi ni Arjo nang ma-nominate siya sa FAMAS ay malaking achievement na ang mapasama sa mga nominado dahil maski hindi siya manalo ay karangalan na ang mapansin ang kanyang trabaho.

At dito sa Gawad Urian ay hindi rin siya umaasang manalo dahil matitindi rin ang mga kalaban niya tulad nina Nonie Buencamino, Teroy Guzman, direk Joel Lamangan, Victor Neri, Romnick Sarmenta at Lou Veloso.

Anyway, puring-puri ng mga nanonood ng The General’s Daughter si Arjo bilang si Elai na isang autistic.
“Hindi madali ang acting ni Arjo, huh! Napaka-subtle ng kilos niya, hindi siya nagwawala nang husto, controlled ang acting niya at ‘yung mannerisms niya, facial expression, ang husay,” komento ng veteran actor na nakakuwentuhan namin.

Kapag sina Arjo, Angel Locsin at Ms. Maricel Soriano na raw ang magkakaeksena ay feel na feel talaga ng viewers dahil sa sitwasyon ng aktor at ng inang nagmamahal sa anak at anak na naghahanap ng pagmamahal ng magulang.

“Silang tatlo palang busog ka na sa galing, e, isama mo pa sina Eula (Valdez), Tirso (Cruz III), Albert (Martinez), Janice (de Belen) kapag nagbabangayan na silang apat,” pahayag pa sa amin.

Pero gigil na gigil sila kay Tirso at Janice na sana raw ay matiyempuhan na ng mga military para matapos na ang pagpapahirap nila kay Rhian Bonifacio (Angel). Sabi naman namin, kung mawawala sila agad sa eksena ay tapos na agad ang serye.

Nakakaaliw ang eksenang nanonood si Arjo sa mga nagsusugal na kaagad niyang natutunan kaya gusto niyang sumali para kapag nanalo ay pakawalan na siya.

Hindi naman ipinakitang humawak siya ng baraha, marunong nga kaya siyang maglaro ng pusoy sa tunay na buhay?

Anyway, nitong Hunyo ay gagawin na ni Arjo ang pelikulang kasama si Eddie Garcia na ang direktor ay mula sa grupo ng Rein Entertainment na nasa likod din ng Bagman na most viewed in a digital series pa rin hanggang ngayon sa iWant mula sa Dreamscape Digital.

Read more...