Obispo nasungalngal

MAGSISI (Pedro) sa kamalian. Magpakatotoo tayo. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Gawa 5:27-32, 40-41; Sal 30:2, 4-6, 11-13; Pag 5:11-14; Jn 21:1-19) sa ikatlong Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay.
***
Ang misyon ng simbahan ay base sa direksyon na inilatag ng Diyos. Iyan ang homilia ni Luis Antonio “Chito” Tagle sa kanyang Installation Mass sa Maynila, ilang taon na ang nakalilipas. Ang salita ng Diyos ang dapat mamayani sa mahaba at nakalilitong gabi ng kampanya at eleksyon. Bakit Otso Diretso (anino ng Liberal Party ni Aquino) ang isinususog ng ilang obispo na iboto sa Lunes; na siya ring isiniko sa mga kasapi ng PPCRV?
***
Dahil nasungalngal (nang paalalahanan na ang misyon ni Kristo ay pagliligtas [salvation] at hindi halalan), ipinaliwanag ng hindi guwapong obispo ng isang diocese sa Metro Manila na discernment at botong konsiyensiya ang kanyang ipinapayo sa kanyang sirkulo, na ibaba sa laylayan sa barangay. Heto ang botong konsiyensiya ng isang bata at militanteng pari: Rafael Alunan, Edgardo Angara, Glenn Chong, Bato de la Rosa, Larry Gadon, Bong Go, Jiggy Manicad, Imee Marcos, Willie Ong, Francis Tolentino, Cynthia Villar at Butch Valdez.
***
Ang pagpili ng ilang obispo sa Otso Diretso ng LP, na dumaan sa nakalilito at mahabang gabi ng nominasyon, ay kanilang pasya at hindi “Catholic’s choice.” Walang Catholic vote (dahil si Kristo mismo ang nagpairal ng kalayaan, kahit ang pinili ay demonyo); merong Catholic’s choice. Simula 2016 base sa tala ng local elections, naganap ang Christians’ choice: nagtugma ang boto ng Katoliko, El Shaddai, Iglesia Ni Cristo at Born Again. Naganap yan sa Cavite, Batangas, Rizal, Caloocan, atbp.
***
Mas nakagagaan ng damdamin kung ang simbahang Katolika ay di sasawsaw sa politika’t eleksyon. Ayaw na ni Jaime Cardinal Sin kay Marcos noong snap election, bagaman malaking pera ang naibigay ni Imelda, sa pamamagitan ng Pagcor, sa simbahan. Halos kinumutan ng simbahan si Corazon Aquino (nagtataka ako kung bakit kinupkop siya ng Pink Sisters gayung contemplative ang mga ito at 24 oras na di nagsasalita, nag-uusap. Ilang kumbento na ng Pink Sisters ang aking dinalaw [ang pinakahuli ay noong Sabado sa Silang, Cavite], napakatahimik at bakit naroon ang ngakngakera?) noong 1986. Pero, noong lumitaw ang mortal na mga kasalanan ni Cory, tulad ng Mendiola massacre, bakit nakapikit ang simbahan at nakabara ang troso sa kanilang mata?
***
Napagtanto: dapat walang Catholic vote. Mas makabubuti ito sa simbahan. Mas kapitapitagan at kagalang-galang pa ang simbahan. Walang kinatigan o dinustang partikular na politiko o opisyal si Jesus, ni Sanhedrin (na nag-akusa sa kanya), ni procurator (na nagpapako sa kanya) o ang mapanghimagsik na Hudyo.
***
Sinuportahan ng ilang obispo ang kandidatura nina Marcos, Cory, FVR (bagaman Protestante), GMA people power, Noynoy. Nang umalingasaw ang baho, naglaho ang mga obispo. Wala namang putik si Mitra, pero nang matalo, lumayo ang mga obispo. Kung aalisin lang ang nakaharang na troso sa kanilang mata, makikita nila ang Mendiola massacre, Corona, Mamasapano, Dengvaxia, DAP, atbp.
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Buhol na Mangga, San Ildefonso, Bulacan): Mainit na tema ng talakayan ang pangako ni Poe na tutulungan niya ang senior citizens kapag iboto siya, at manalo. Mayorya ang opinyon: matatanda na nga, lolokohin pa niya. “Madaling mangako sa matatanda. Bukas, baka patay na sila.” “Mana ka nga sa pinagmanahan. Yun pala, script lang, tulad ni Maruja.”
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sapang Putol, San Ildefonso, Bulacan): Sinusukat ng mga botante ang bawat kandidato kung ano ang gagawin nila hinggil sa Mamasapano massacre ng 44 pulis-SAF. Walang gagawin, lalo na ang mayayabang na human rights advocates at lawyers. Hindi sapat na nasa Ombudsman na ang kaso at di mananagot si Benigno Aquino, dating pangulo. Dugo ang dumanak; mga buhay ang nawala.
***
PANALANGIN: Sagipin ako, Diyos ng katotohanan. Sal 31:6 (Tugunan sa Martes sa ikatlong linggo ng Pasko ng Pagkabuhay).
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Kapag nalaman namin ang may pakana sa pagdadawit kay Kitty, hindi makatutuntong yan dito. …7803, Barangay 30-C, Davao City

Read more...