DEAR Atty.:
Good afternoon Atty. Isa n’yo po akong masugid na mambabasa. Marami na po akong natutunan tungkol sa batas dahil sa inyo. Manganganak po ngayong buwan ang GF ko pero ayaw po ng mga magulang niya sa akin pero mahal po namin ang isa’t isa. Ang kaso ay hindi po namin kayang magsamang dalawa dahil sa wala pa kaming maayos na income.
Sabi po ng GF ko ay dadalhin siya sa Manila pagkatapos niyang manganak.
Hindi ko na raw po makikita ang anak namin. Masakit pero wala naman kaming magawa. Tama po ba yun? Mahal ko po ang GF ko at ang magiging anak namin. Wala po akong pamilya dito kaya hindi ko po alam ang gagawin. Salamat po, attorney. –…In love lang po, …3167
Dear In love lang po:
Maraming salamat sa iyong text. Nakakalungkot man ang sitwasyon ninyo ng inyong GF, meron pa rin namang dapat na gawin.
Siguraduhin mo na kayo ay pipirma sa birth certificate ng anak ninyo kahit hindi kayo kasal. Doon pa lang ay hindi na maitatanggi ninuman na ikaw ang ama ng bata. At sa pamamagitan noon ay mabibigyan ka ng visitation rights. Ibig sabihin, mabibisita mo ang inyong anak kahit pa labag sa kalooban ng mga magulang ng iyong GF at upang hindi rin kayo mawalan ng contact sa isa’t-isa. Ipinapayo rin na huwag magpalit ng tirahan habang kayo ay hindi pa mag-asawa. Padalhan din ng financial support ang iyong anak. Huwag na huwag mo itong kalilimutan. — Atty.
Dear Atty.
Ang problema ko po ay delayed registration po ako. October 23, 1962 po ang nakalagay na birthday ko pero sabi nang nakakatanda kong kapatid ay October 23, 1958 daw po ako talaga ipinanganak. Ano po kaya ang lalabas sa NSO? Lahat ng dokumento ko gamit ko ay ‘yung October 23, 1962. – Mario, Cotabato, … 6177
Dear Mario:
Maari kang magpa-correct ng clerical error ng birth certificate sa Civil Registry kung saan ka pinanganak. Hindi na kailangan ng isang court order. Salamat sa pagtangkilik. – Atty.
Dear Atty:
Nabalitaan ko po na nakapag-asawa na ulit ang dating asawa ko at may anak na sila. Kasal po kami ng asawa ko. Ano po ba ang dapat kong gawin? –…5247
Dear …5247
Kung nakatitiyak ka na legal ang kasal ninyo sa iyong esposo o esposa (since hindi naman po ninyo binanggit kung kayo ay babae o lalaki), mangyaring kumuha kayo ng kopya ng marriage contract ng pangalawang ‘kasal’ ng inyong asawa sa civil registry kung saan ginanap ang second marriage. Sa sandaling makakuha ka ng kopya nito, maaari ka nang magsampa ng kasong bigamy laban sa inyong asawa. – Atty.