ARESTADO ang 10 katao na diumano’y bumibili ng boto, habang halos P160,000 cash at sari-saring election paraphernalia ang nasamsam, sa Bacoor City, Cavite, Sabado ng gabi.
Kabilang sa mga naaresto ang isang Teresita Marjes, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Isinagawa ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group t Provincial Intelligence Branch ang operasyon dakong alas-6, sa Brgy. Zapote 5.
Bago ito’y nakatanggap umano ang pulisya ng ulat mula sa isang residente, na nagsabing may nagaganap doong vote buying, o pamimili ng boto.
Kabilang sa mga nakumpiska kina Marjes ang kabuuang P75,800 cash na pinaghati-hati sa P200 at sinilid sa maliliit na sobre, P83,500 cash, at isang pulang notebook na may listahan ng mga pangalan.
Nakumpiska din sa kanila ang isang plastic bag ng wristband na may mga markang FIX m at dalawang t-shirt na may print sa harap na “Tapat sa Bayan, Tapat sa Usapan” Jonvic Remulla Gobernador and Jolo Revilla Bise Gobernador at print sa likod na Vote WOW 169 PILIPINAS.