BANDERA Editorial Article
May 5,500 mga pari ang dumadalo sa kongreso ngayon sa Pasay, ang lungsod ng kasalanan, na aminado naman ang yumaong mayor nito, Pablo Cuneta.
Ayon kay Monsignor Pedro Quitorio, tagapagsalita ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pangungumpisal ng mga pari ay tulad din ng pangungumpisal ng di mga pari, ng mga kasapi ng relihiyong Katolika Romana: may parusa’t kapatawaran. Ang mga Katoliko ay nangungumpisal sa pari, na may namamagitang butas na tabing para marinig ang bulungan. Ang bungad ay: “Padre, basbasan mo ako dahil ako’y nagkasala.”
Pero, ang pari ay mangungumpisal sa kapwa pari at walang namamagitang butas na tabing. Tapatan ang pangungumpisal.
Ayon kay Quitorio, ang pari ay tao rin at meron din silang kasalanan. Tama, may mga kasalanan ang pari. At ang mga kasalanang yan ay nasa dakilang nobela ni Jose Rizal.
May nagbago kaya sa mga kasalanan ng pari noon kung ang titingnan ay ang mga nangyayari ngayon? Tila wala. O tila nadagdagan pa?
Nariyan pa rin ang kasalanan sa laman. Sa nobela ni Rizal ay may anak ang pari sa babae. Nakasawsaw din sa politika ang pari at nakadikit din sa mga opisyal at mayayaman (na sa kanilang sermon ay mahirap makapasok sa pinto ng langit).
Nariyan pa rin naman ang kasalanan sa laman ng pari. May di makalilimutang balita sa Davao na nahuli ng sundalo ang kanyang asawa na kinubabawan ng pari. Sa Novaliches at Iloilo ay may mga pari ring nagkasala sa laman sa makikinis na babae. Sa Amerika, halos ibenta ang mga simbahan para ibayad na danyos sa mga pagkakasala ng mga pari sa laman, babae man o kapwa lalaki.
Sa pakikisawsaw sa politika, mas matindi pa sa nobela ni Rizal ang ginagawa ngayon ng mga pari. Tumatakbo pa sila sa eleksyon, sa kabila ng pagbabawal ng simbahan (at ang iba’y ayaw pang maghubad ng abito’t nakabakasyon lang daw muna).
Wala silang pakialam kung umabot man ng 100 milyon ang populasyon ng Pinoy (93 milyon na tayo ngayon!) na halos wala na ngang makain ang mga nakatira sa kalye, ilalim ng mga tulay at katian sa mga dalampasigan.
Nagkakandarapa (hiramin natin ang salitang ginamit sa opinion page ng Philippine Daily Inquirer) ang mga pari’t madre kay Jun Lozada, pero nasaan sila para tulungan ang mga biktima ng Princess of the Stars at Ondoy?
Kailangan ngang mangumpisal ng mga pari.
BANDERA, 012710