Payo ni Ai Ai sa Ex-B: Mahalin n’yo ang fans, pag wala na sila nganga!

EX-BATTALION AT AI AI DELAS ALAS

Dedma na lang si Ai Ai delas Alas nang may sumigaw na, “I love you, Porkwang!” sa nakaraang premiere night ng latest movie niyang “Sons of Nanay Sabel” under Viva Films.

“Marami namang fans na ganoon, di ba? ‘Yung parang nalilitu-lito sila. Minsan nga, ‘Ay kilala kita! Kilala kita! Ikaw si…?’ ‘Sige, sino ako, Ate!’ Di ba ganoon sila?

“Hindi naman ako nau-offend na sa mga ganyan,” pahayag ni Ai Ai sa pocket prescon ng movie nila ng Ex-Battalion na mapapanood na sa May 8 nationwide.

Pero kapag alam niyang nambubuwisit lang ang fans, “Pumapatol din naman ako. Depende sa intensity ng pambu-bully sa akin!”

Pinahahalagahan ng Comedy Queen ang kanyang mga supporters at mahal niya ang mga ito lalo na yung talagang nanonood ng mga show at pelikula niya.

Tuwang-tuwa nga ang mga fans ng Comedy Queen nang pagbigyan niya ang mga ito na makapagpalitrato sa kanya. Talagang pose kung pose si Ai Ai with the fans kahit na nagmamadali na siya.

“Maganda ‘yung may nagpapa-picture sa ‘yo. Pangit kung wala na, di ba? Parang dapat malungkot ka na at mag-isip kung saan ka pupunta kapag wala nang nagpapalitrato sa yo.

“Kaya naman ang mga alaga kong Ex Battalion, sinasabihan ko silang bahagi ng pagkakaroon ng fans ang mga sikat. Pag wala na kasi, ibig sabihin nu’n, wala ka nang career! Nganga ka na!” diin ni Ai Ai.

Showing na ang “Sons Of Nanay Sabel” sa May 8, at ito ang Mother’s Day offering ng Viva Films. May special participation din sa movie sina Fabio Ide, Nova Villa, Anne Curtis at marami pang iba.

Read more...