PLANONG magbukas ng isang clinic si Jodi Sta. Maria para sa mga taong inaatake ng depresyon at matinding kalungkutan.
Ayon kay Jodi, isa ito sa mga pangarap niya kapag may sapat na siyang panahon at kaalaman. Balak din kasi niyang kumuha ng masteral degree pagkatapos ng kanyang graduation.
Sa kanyang YouTube vlog early this year, ibinalita ni Jodi ang pagiging Top 2 sa Dean’s List ng kursong Psychology sa Southville International School and Colleges.
“Prayer ko na makapag put-up ako ng small clinic, para makatulong sa mga taong nagsa-suffer from depression, anxiety, para magamit ko yung mga natutunan ko sa school para makatulong sa mga tao,” chika ni Jodi sa isang TV interview.
Inamin ng Mea Culpa lead star na nakaranas din siya noon ng depresyon o anxiety, “I think halos lahat naman e. Life is not perfect. At one point darating ka sa sabihin na nating ‘breaking point’ mo. And then that’s when you realize na parang these types of courses and professions, are helpful.”
Aminado si Jodi na hindi madali ang pagsabay-sabayin ang pag-aartista, pag-aaral at ang pagiging mommy ni Thirdy, “Hindi madali, kasi may mga moments na umiiyak ako, dahil sa sobrang daming kailangang gawin, sumasabay sa trabaho, sumasabay sa pagiging nanay ko. Pero ipu-push ko talaga.”
Sa ngayon, napapanood si Jodi sa bagong teleserye ng ABS-CBN na Sino Ang May Sala: Mea Culpa at malapit ma ring mag-showing ang bagong pelikula niya kasama si Gabby Concepcion, ang “Man And Wife” under Cineko Films.