PH Blu Girls, 3-0 na sa Asia Cup

MAINIT na sinimulan ng Philippine Blu Girls ang 2019 Asia Cup Women’s Softball Championship na nagbukas noong Miyerkules, Mayo 1, sa Jakarta, Indonesia.

Ni hindi man lang nakaiskor ng run ang tatlong nakalaban nito tungo sa pagtala ng 3-0 kartada sa Group B at makasiguro ng puwesto para sa susunod na round.

Unang tinalo ng PH Blu Girls, na ranked No. 13 sa mundo, ang Singapore, 13-0, via mercy rule Miyerkules ng umaga.

Sinundan nila ito ng 10-0 abbreviated win kontra Hong Kong Miyerkules ng hapon.

Huwebes ng umaga ay tinambakan ng Pilipinas ang host Indonesia, 8-0.

Ikinatuwa ni Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPHIL) president Jean Henri Lhuillier ang ipinakita ng pambansang koponan sa Asia Cup na nagsisilbing qualifier para sa WBSC Softball Asia/Oceania 2019 Qualifying Event ng 2020 Tokyo Olympics.

“Their three straight victories ensured that our Philippine Blu Girls made an impression against their competitors. We are in Jakarta to win, with a spot at the Tokyo 2020 qualifiers as our final goal,” sabi ni Lhuillier.

Ang top six teams sa Asia Cup bukod sa Olympic Games host Japan ay makapaglalaro sa Olympic qualifier na gaganapin sa Shanghai, China sa Setyembre. Ang mananalo naman sa torneyong ito ay magkakaroon ng pagkakataong makapaglaro sa 2020 Olympics kung saan lalaruin ang softball sa unang pagkakataon mula 2008.

Makakasagupa ng Blu Girls, na pumangalawa sa Asia Cup noong isang taon, ang No. 6 ranked Chinese Taipei para sa huli nitong laban sa Group B Biyernes ng umaga.

Kasama naman ng nagdedepensang kampeong Japan sa Group A ang China, Korea, India at Thailand.

 

Read more...