PSL Grand Prix crown puntirya ng F2 Logistics Cargo Movers

Laro Huwebes (Mayo 3)
(Filoil Flying V Centre)
7 p.m. F2 Logistics vs Petron

MAITALA ang isa sa pinakamatinding upset sa kasaysayan ng liga ang hangad ng F2 Logistics Cargo Movers sa pagsagupa nila sa Petron Blaze Spikers sa Game 2 ng 2019 Philippine Superliga Grand Prix best-of-three finals ngayong Huwebes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Matinding aksyon ang inaasahan sa alas-7 ng gabi na laro kung saan manggagaling ang Cargo Movers sa 25-20, 16-25, 25-23, 25-23 panalo sa Game 1 ng prestihiyosong women’s club league.

Naglaro na parang kampeon ang Cargo Movers sa unang laro ng kanilang serye sa pangunguna ng dalawang import nito na sina Lindsay Stalzer at Maria Jose Perez.

Ang dating MVP na si Perez ay kumana ng 24 puntos na nilakipan ng 11 excellent receptions habang si Stalzer ay nag-ambag ng 21 puntos at 17 digs para ilapit ang Cargo Movers sa pagtala ng isa sa pinakamatinding upset sa kasaysayan ng PSL magmula nang gulatin ng RC Cola-Army ang Thailand juniors team sa gold-medal match ng 2016 Invitational Conference.

Nakatulong din nila ang mga middle blocker na sina Majoy Baron at Aby Maraño na nagawang mapigilan ang mga Petron import na sina Stephanie Niemer at Katherine Bell.

Inaasahan naman na babawi sina Niemer at Bell katuwang sina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina at Denden Lazaro.

Read more...