NA-HACK nang tatlong beses ang official Facebook account ni Sen. Nancy Binay noong nakaraang buwan
Sa kalatas, sinabi ni Binay na nakatanggap siya ng notification o mensahe mula sa Facebook na mayroong nag-re-report at sumusubok na mag-log in ng kanyang account.
Binago pa aniya ng hacker ang kanyang pangalan at e-mail address na nakarehistro sa account.
Sinabi ng senadora na kwestiyunable ang timing ng tangkang pag-hack sa kanyang account lalo na’t papalapit na ang araw ng eleksyon sa May 13.
Nakababahala aniya ang dami ng tangkang pag-hack sa loob lamang ng isang buwan.
Samantala, hindi tiyak si Binay kung ano ang tunay na motibo at tanging pulitika lamang ang posible aniyang rason.
Nakipag-ugnayan naman ang kampo ni Binay sa Facebook para maibalik ang kanyang account.