Baron pakakasalan na ang dyowang psychologist na nakilala sa rehab


NATAGPUAN na nga siguro ni Baron Geisler ang babaeng nakadisensyo para iharap niya sa altar.

Totoo ngang palaging may katapat ang kahit sino, palaging may taong nakalaan para sa kanyang buhay, tulad ng natagpuan niyang psychologist sa rehab kung saan siya matagal na namalagi.

Psycho-therapist si Jamie Marie Evangelista, ilang panahon pa ay pakakasalan na ito ni Baron, kaunting preparasyon na lang ang kailangan para sa kanilang pag-iisang dibdib.

Pinakamatinding problema ang umatake kay Baron nu’ng mga nakaraang buwan, pati ang kanyang mga kadugo ay sumuko na sa kanyang ugali kapag nakakainom siya, kaya kinailangan na niyang magpa-rehab.

Malungkot na masayang paglayo sa mundo ang naganap kay Baron. Malungkot dahil mahal niya ang buhay na malaya, pero masaya, dahil sa rehab niya nakilala si Jamie Marie Evangelista.

Inalagaan siya at pinagmalasakitan ni Jamie Marie, lahat ng puwedeng gawin ng isang psychologist sa kanyang pasyente ay ginawa nito kay Baron, du’n na nabuo ang isang espesyal na relasyon nila na ilang tulog at gising na lang ay mauuwi na sa altar.

Sobrang magmahal si Baron, nasaksihan namin kung gaano siya katinding magmahal, parang OA na nga ‘yun kung minsan.

Siguradong kakambal na ng aktor ang disiplina ngayon dahil nandiyan ang kanyang girlfriend na umaalalay sa kanya. Dumating sa kanyang buhay si Jamie Marie sa tamang panahon.

May karapatang lumigaya si Baron Geisler, harinawang ito na nga ‘yun, para lumayo na siya sa bisyong sumira nang matindi sa kanyang karera.

Read more...