Ai Ai walang kupas sa dramedy; Ex-Battalion pasado ang akting sa ‘Sons Of Nanay Sabel’


SWAK na swak sa selebrasyon ng Mother’s Day ang bagong pelikula ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas, ang “Sons Of Nanay Sabel (SONS)” mula sa Viva Films.

Kasama ni Ai Ai sa movie ang sikat na sikat ngayong Ex-Battalion na gumaganap na mga anak niya sa kuwento.

Napanood na namin ang pelikula sa ginanap na premiere night nito last Monday sa SM Megamall cinema 1 at in fairness, winner na winner ito sa audience na talagang nagtawanan at nag-iyakan sa loob ng sinehan.

Sa dami ng characters sa kuwento, nagtagumpay naman si Direk Dado Lumibao at writer nitong si Mel del Rosario na mabigyan ng twists and conflicts ang kuwento with a happy and touching ending.

Bilang mga baguhan, pasado na ang members ng Ex-B sa kanilang launching film. Hindi naman sila nagpalamon sa galing at husay ni Ai Ai na gumanap nga bilang ina nilang si Sabel na iniwan ng kanyang groom (Fabio Ide) sa mismong kasal nila dahil nalaman nito na “inabandona” niya ang mga anak. Dahil dito, isa-isa niyang hinanap ang mga anak na nagkahiwa-hiwalay nga nang ipaampon ng mga madre.

Riot ang paghahanap ni Sabel sa kambal na sina Justin at Bieber (Daryl at Archie) na inampon ng mayamang negosyante; Troll Montero (King Badger) na inampon ng isang barbero (Joey Marquez); Baby James (James) at EZ (Mark) na inampon ng mayamang lola; at Bhoy (Rhenn) na napunta naman sa malupit na mag-asawa (Jeric Raval at Katya Santos).

At kung nakakaloka ang mga eksena sa paghahanap ni Sabel sa anim na anak, mas mababaliw kayo sa mga ganap nang magsasama-sama na sila sa isang bahay kasama ang kanilang agaw-eksea na yaya (Jon Santos).

Mag-aaway-away din ang magkakapatid nang dumating sa buhay nila si Helen (Kylie Versoza), ang seksi at mapanuksong kapitbahay nila na sisira sa kanilang relasyon. Naku, siguradong maglalaway ang mga kalalakihan kay Kylie sa movie dahil sa halos lahat ng eksena niya ay naka-two piece bikini siya.

q q q

Ilan pa sa mga eksenang nagmarka sa amin at talagang pinagtawanan ng manonood ay ang pagiging wedding singer ni Anne Curtis sa kasal nina Ai Ai at Fabio at ang “sakit sa pagsasalita” ni Katya Santos. Kaloka siya! Ha-hahaha!

Ayon naman kay Ai Ai, kung nagustuhan ng madlang pipol ang super blockbuster hit niyang “Tanging Ina”, siguradong mag-eenjoy din kayo sa “Sons Of Nanay Sabel”, “Hindi lang basta magpapatawa ang pelikula namin dahil may kurot din ito sa puso. Sure kami na mata-touch at makukurot ng SONS ang mga nanay at mga anak at ng buong pamilya.”

Kuwento pa ng Comedy Queen, “I really missed doing comedies and making people laugh. And I’m happy dahil kasama ko sa ‘Sons Of Nanay Sabel’ ang mga alaga kong Ex Battalion na maraming fans at talagang tinitilian ng millennial fans sa kanilang gigs. Dito, ipinakita nilang may talent sila hindi lang sa pagkanta’t paghi-hiphop kundi pati rin sa pag-arte. Natural comedians sila and I’m proud of them.”

Showing na sa May 8 nationwide ang “SONS” na Mother’s Day offering ng Viva Films.

Read more...