Naging parehas ang mga hurado ng FAMAS sa pagpili kay Nadine Lustre bilang best actress sa pelikulang “Never Not Love You.”
‘Yun ang pelikulang napanod namin nu’ng Mahal Na Araw na mismong sa mga pahinang ito rin ng aming kolum namin sinulat ang mga papuri sa mahusay na pagganap ni Nadine.
Simple, walang ka-effort-effort, pero tumatawid ang kanyang pagganap. Hindi nakakahiya para sa FAMAS na si Nadine Lustre ang kanilnag pinili mula sa iba pang mga kalahok sa pagiging best actress.
Panahon na para premyuhan ang mga ipinakikita ng dalaga, dapat lang bigyan ng pagkilala ang kanyang pag-arte, dahil kaya niyang dalhin ang kahit anong klase ng eksena.
Kahit sa nakaraan nilang serye ni James Reid sa ABS-CBN na gumanap silang mag-asawa ay napansin na namin ang kanyang pagganap. Puwedeng pakawalan si Nadine sa kahit anong klase ng pelikula dahil alam mong isinasapuso niya ang kanyang trabaho.
At gandang-ganda kami kay Nadine Lustre. Pilipinang-Pilipina ang kanyang ganda. Sila ni Kathryn Bernardo para sa aming panlasa ang naglalaban sa pagandahan sa kanilang mga kasabayang artista.
Kung katawan naman ang pagdidiskursuhan ay bulag lang ang hindi magpapahalaga sa kanyang kurbada.
Naaalala namin si Vivian Velez na super-sexy nu’ng kapanahunan nito kapag nakakakita kami ng mga pictorial ni Nadine.
Sa pag-arte, sa kagandahan, sa kaseksihan ay angat si Nadine Lustre. Huwag nang kuwestiyunin pa ang kanyang parangal sa FAMAS.
Para sa kanya talaga ang tropeo.