NAG-IYAKAN ang studio audience ng Kapuso game show na Wowowin dahil sa madramang kuwento ng isang OFW.
Naikuwento kasi ng contestant na si Tin ang dahilan ng kanyang pag-uwi sa bansa mula sa Taiwan.
Sa panayam ni Willie Revillame kay Tin na isang caregiver sa Taiwan, ibinahagi niya ang sakripisyong ginawa niya para sa kanyang magulang.
Nalaman daw kasi niyang may kidney cancer ang kanyang nanay, “Na-diagnose po kasi ‘yung mother ko ng Stage 3 CKD (chronic kidney disease). So pina-check up po ng kapatid ko ang sabi hindi na makukuha ng dialysis ‘yun po ‘yung sabi ng doktor. Kaya papalitan na po ng bago ‘yung kidney niya.”
Dito na naging emosyonal ang contestant at tuluyan nang napaiyak. Nag-decide na raw siyang umuwi sa Pilipinas, kahit mahal niya ang trabaho niya bilang isang caregiver. Nakiiyak na rin sa kanya ang mga tao sa studio.
“Nagboluntaryo na po ako Wil umuwi lang po ako galing ng Taiwan sa kasagsagan ng trabaho ko po, kahit ayaw ko po iwan ‘yung trabaho ko kasi sobrang mahal na mahal ko po ‘yung mga pasyente ko.
“Kaya lang ‘yung konsensiya ko Wil, hindi kaya Wil na nag-aalaga ako doon ng ibang tao, nag-aalaga ko ng ibang pasyente na hindi ko man kayang alagaan ‘yung nanay ko Wil,” aniya pa.